1,417 total views
Ang karahasan sa kababaihan ay isang malaking isyu na tila ayaw mawala sa ating lipunan. Hanggang ngayon, kahit pa moderno na ang panahon, marami pa ring mga babae ang nakakaranas ng pananakit mula sa kanilang mga asawa o domestic partners. Mas dumadami din ang biktima ng rape.
Ang nakakalungkot kapanalig, ayon sa Philippine Commission on Women o PCW, ang babae pa ang kadalasang nasisi kung sila ay nabubugbog. Maraming babae ang binabansagang “naggers” ng kanilang sariling mga asawa o di kaya pabaya sa kanilang mga obligasyon bilang asawa. Ayon pa sa PCW, minsan pa nga, ang panggagahasa ay sa babae pa nasisisi, dahil sila ay “flirtatious.”
Ayon sa datos ng Center for Women’s Resources (CWR), kada 53 minuto, isang babae o bata ang nagagahasa. Pito sa sampung biktima ng panggagahasa ay mga bata. Ayon pa sa CWR, tumaas ng 92% ang mga naitalang rape cases mula 5,132 noong 2010 tungo sa 9,875 nitong 2014.
Ayon naman sa datos ng National Demographic and Health Survey (NDHS), isa sa limang babaeng may edad 15-49 ay nakaranas na ng pisikal na karahasan simla pa ng edad 15. 14.4% naman ng mga babaeng may asawa ay nakaranas na ng pananakit mula sa kanilang asawa.
Ang pananakit sa kababaihan ay hindi lamang kaugnay ang katawan. Ang epekto nito ay malawig, kapanalig. Nakakapanliit ng pagkatao ng babae ang pananakit. Kadalasan, ang pananakit na ito ay sa karaniwang sinisisi pa sa babae. Wala ng dangal, binibigyan pa ng ibayong “shame” o binabalot ng kahihiyan ang babae sa tuwing sila ay sinasaktan. Ang nakakalungkot kapanalig, ang machong kultura na ito ay tila tumitingkad pa sa ngayon.
Kapanalig, ang karahasan ay walang puwang sa ating lipunan, lalo na sa loob ng ating mga tahanan. Sa ating modernong mundo kung saan parehong kinikilala na ang kakayahan ng babae at lalake, marami pa ring babae ang nakakaranas ng pangliliit at karahasan. Kailan ito titigil?
Ang babae ay dapat ginagalang. Ang babae ay dapat inaalagaan at minamahal. Ngunit tila nagiging “norm” o kasanayan na naman sa ating lipunan ang panlilibak sa babae. Dapat maisawata ito. Ang pamahalaan ay dapat manguna sa mga aksyon at programa na magbibigay galang at papuri sa mga Filipina.
Kahit ano pang kaunlaran ang ating maabot, ito ay mawawalang halaga kung hindi tayo marunong kumilala sa dignidad ng bawat isa. Nawa’y maging hamon sa ating ang mga kataga mula sa Mater et Magistra: Wherefore, whatever the progress in technology and economic life, there can be neither justice nor peace in the world, so long as men fail to realize how great is their dignity; for they have been created by God and are His children. Kapanalig, ang karahasan sa kababaihan ay isang pagyurak ng dignidad hindi lamang ng babae, kundi ng sangkatauhan.