7,464 total views
Nagkaisa ang mga mambabatas na kundenahin ang China sa panibagong karahasan laban sa security forces ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri lubhang mapanganib ang ginawang panggigipit ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng Rotation and Resupply (RORE) mission sa BRP Sierra Madre na nakahimpil sa Ayungin Shoal.
“I am one with peace-loving Filipinos in strongly condemning this latest abhorrent action of the China Coast Guard and Chinese maritime militia that put in danger the lives of our brave countrymen who were on a routine resupply mission to our troops in Ayungin Shoal,” pahayag ni Zubiri.
Ayon sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea alas 6:04 ng umaga nitong October 22 nang haranganin ng barko ng Chinese Coast Guard ang MRRV 4409 ship ng PCG dahilan upang mabangga ito.
Iginiit ni Senator Risa Hontiveros, walang karapatan ang China na itaboy ang barkong Pilipino sa nasabing lugar dahil malinaw sa arbitral ruling na ito ay nakapaloob sa teritoryo ng Pilipinas kaya’t apela nito sa mamamayan at mga lider ng bansa na magkaisang manindigan laban sa pang-aabuso ng China at igiit ang karapatan sa WPS.
“I call on the international community to join the Philippines’ condemnation of China’s most recent violence against the Filipino people. Our nations should not stop fighting for the rule of law. It is the only way to have a chance at true peace and stability across the region and the world,” giit ni Hontiveros.
Sinabi naman ni Senator Francis Tolentino na dapat magsagawa ng masusing imbestigasyon sa patuloy na pagbalewala ng China sa international laws lalo na sa ilalim ng International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS) at ang Code for Investigation of Marine Casualties and Incidents ng International Maritime Organization.
Umaapela din si Zubiri sa Chinese Coast Guard na igalang ang dignidad ng buhay gayundin ang mga umiiral na batas na nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at iba pang international law hinggil sa maritime travel.
Muling panawagan ng mambabatas na taasan ang pondong ilalaan sa PCG at Armed Forces of the Philippines upang mapaigting ang kanilang pagbabantay sa exclusive economic zone ng bansa laban sa pananakop ng mga dayuhan tulad ng ginagawa ng China.