205 total views
Mayroong isang Inang nababahala para sa mamamayang Filipino sa langit.
Ito ang pagninilay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa kapistahan ng Immaculada Concepcion.
Ayon sa Obispo, bagamat patuloy ang pagsisikap ng iba’t ibang sektor ng lipunan na mawakasan ang patuloy na nagaganap na karahasan sa bansa ay kinakailangan pa rin ang paggabay ng Panginoon na maaaring makamit sa pamamagitan ng pananalangin.
“Habang tayo’y nagsisikap na magkaroon ng sama-samang pagkilos na matigil itong karahasan na ito at habang tayo ay nag-o-organize ng ganitong mga forum, kailangan din tayong magdasal,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon pa sa obispo, bilang Ina ng Pilipinas pangunahing patron ng mga Filipino ay tiyak na nababahala at nalulungkot rin ang Mahal na Ina sa nagaganap na karahasan sa lipunan kung saan marami sa kanyang mga anak ang nahihirapan, nauulila dahil sa karahasan.
Dagdag pa ng Obispo isa sa nakadidismaya sa sitwasyon ng bayan sa kasalukuyan ay ang mga nagdudulot ng karahasang ito ay kapwa rin Filipino, mga pulis at militar na isinasantabi ang pagiging magkakapatid sa Diyos.
Mariin ding hinimok ni Bishop Pabillo ang bawat isa na gamitin ang pagkakataon ngayong Kapistahan ng Immaculada Concepcion na manalangin at hingin ang paggabay ng Mahal na Ina hindi lamang para sa bawat Filipino kundi para na rin sa pangkabuuang kabutihan at kapayapaan ng buong daigdig.
“Kapistahan ng ating Mahal na Ina, Immaculada Conception na siya pong pinaka-patron ng Pilipinas at bilang Ina ng Pilipinas siya ay nababahala din sa napakaraming mga anak niya na nauulila, maraming mga anak niya na nahihirapan at ang masama pa ang gumagawa nito ay kapwa Filipino rin mga pulis, mga militar na nagpapadala sa ganito, na nagpapahirap sa kanilang kapwa parang magkakapatid na sinisiraan ang kanilang kapatid kaya talagang nababahala din ang Mahal na Ina kaya nga ipagdasal natin, humingi tayo ng tulong sa kanya na gabayan ang mga Filipino, gabayan ang Pilipinas na mawala na ang problemang ito,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ang Pilipinas na kilala ang pagtatangi sa Mahal na Ina ay una na ring kinilala bilang ‘Pueblo Amante de Maria’ o bansang namimintuho sa Mahal na Birhen na sa katunayan ay may higit sa 40 ang bilang ng mga imahe na bingyang pagkilala ng Vatican sa pamamagitan ng pagpuputong ng korona.
May 20 ding mga simbahan na nasa ilalim ng Mahal na Ina ang idineklara bilang mga pambansang dambana.