4,369 total views
Kapanalig, ang karahasan sa kababaihan ay krimeng kay hirap wakasan sa ating bayan. Hanggang ngayon, kahit moderno na ang panahon, marami pa ring mga kababaihan ang nagiging biktima ng karumaldumal na krimen ng panggagahasa at pagpapaslang. Kailangan na mawaksi ang ganitong pangyayari sa ating bayan.
Nitong nakaraang Setyembre, nakaka-alarma ang bilang ng mga babaeng estudyante na nabibiktima ng karahasan. Ayon sa Philippine National Police, mula July 2022 hanggang August 2022 o dalawang buwan lamang, 149 na kaso ng rape at acts of lasciviousness ang kanilang naitala.
Kapanalig, lahat tayo, mapababae man o lalake, ay dapat laging panatag ang loob at ligtas sa ating mundong ginagalawan. Pero bakit sa ating lipunan, mas mahirap para sa mga babae, lalo na sa mga batang babae, ang mamuhay ng malaya at ligtas? Bakit nga ba kahit nga sa loob pa ng kanilang tahanan o komunidad, ang mga babae ay hindi ligtas sa karahasan?
Malawakang pagbabago ang kailangan ng ating lipunan upang matiyak ang kaligtasan ng kababaihan. Unang-una, kailangang maipamulat sa lahat na ang anumang uri ng karahasan ay dapat nating kinokondena sa ating lipunan. Simula bata pa lamang, kailangan nating ituro sa mga mamamayan na dapat nating irespeto ang bawat isa. Kailangang may mga awareness sessions ukol sa gender-based violence sa ating mga komunidad at paaralan.
Kailangan din ng mas masigasig na suporta, sa pamamagitan ng mga malawakang programa, pro-women na polisiya, at sapat na funding upang ang mga kababaihan natin ay laging ligtas kahit saan man silang lugar naroroon. Sakop din nito ang mga online platforms, kung saan ang mga babae ay lagi ring nabibiktima ng sexual violence.
Kapanalig, napakalaki ng impact ng karahasan sa kababaihan. Maraming kaso, ang mga babae ay pinapaslang matapos halayin. Maraming kaso, ang mga babae ay nape-preso sa mga sitwasyong patuloy silang nagiging biktima ng karahasan. Tama na. Ang paulit-ulit na pangyayari na ito ay kumikitil sa karapatan hindi lamang ng biktima nito, kundi ng lahat ng kababaihan—nagbibigay ito ng takot at naglilimita ng kanilang kalayaan sa pagkilos sa lipunang dapat ay ligtas para sa lahat. Ang pag-iral ng karahasan sa kababaihan ay pumipigil sa paglago ng ating pagkatao hindi lamang bilang indibidwal kundi isang pamayanan at lipunan. Ninanakaw nito ang pagkakataon ng mga babae na makilahok ng panatag ang loob sa ating mundo.
Ayon sa Fratelli Tutti – dapat ay may “Fraternity o kapatiran between all men women. We need a community that supports and helps us, in which we can help one another to keep looking ahead.” Magagawa lamang natin ito kapanalig, kung ating sisigurihan na mawawaksi na ang karahasan sa kababaihan sa ating lipunan, kung ating titiyakin ang kaligtasan ng lahat.
Sumainyo ang Katotohanan.