5,873 total views
Kapanalig, bago na ang panahon pero marami pa ring mga tahanan sa loob at labas ng ating bansa ang nakakaranas ng karahasan. Kadalasan, ang mga biktima ng karahasang ito ay mga babae.
Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Health Organization (WHO), tinatayang isa sa tatlo o 30% ng mga babae sa buong mundo ay nakaranas ng physical o sexual violence. Kadalasan, ang karahasang ito ay mula sa kamay ng kanilang mga partner. Ayon pa sa pag-aaral na ito, 38% ng mga murders o pagpatay sa mga babae ay ginawa mismo ng kanilang mga partners.
Maraming mga salik o factors kaugnay ang pisikal at sekswal na karahasan. Marami sa mga salik na ito ay maaaring matugunan ng tahanan, pamayanan, pamahalaan, at lipunan. Kasama nito ang mababang antas ng edukasyon, karanasan at exposure sa child maltreatment at family violence, antisocial behaviors, pag-inom, ang pagtaguyod sa pananaw na mas mataas ang antas o status ng lalaki kaysa babae, at mababang antas ng gender equality.
Kapanalig, kailangan natin harapin ang mga salik na ito kung nais natin ipairal ang gender equality sa ating bayan at iwaksi ang karahasan sa kababaihan. Kailangan nating i-check din ang ating sarili. Hindi natin minsan napapansin na tayo mismo ay may mga gender bias din na nagpapa-lala ng sitwasyon para sa maraming kababaihan. Isang halimbawa: kapag usapang contractor, o welder, o engineer, lalaki ang kadalasang inaasahan nating ginagampanan ng mga trabahong ito. Hindi natin agad nai-isip na marami na ring babae ang namamayagpag sa mga trabahong karaniwang nado-dominate ng mga lalaki lamang dati.
Ang pag-iral ng karahasan sa kababaihan ay nagpapaliit ng mundo ng mga babae sa lipunan. Sa halip na malaya silang makagalaw sa daigdig na inilaan ng Diyos para sa lahat, sila ay nakukulong sa takot. Kapag lubusang nangyari ito, hindi lamang ang babae ang kawawa. Ang buong mundo ay kawawa. They hold up half the sky, kapanalig. Hindi nila magagawa ito dahil kahit makaalpas sila sa karahasan, nag-iiwan ito ng mga sugat at peklat sa kanilang mental at physical health.
Ayon nga sa WHO, ang mga babaeng nakaranas ng partner violence ay doble ang risk na magkaroon ng depresyon. Marami sa kanila ay nagkakaroon pa ng ibang sakit gaya ng mga STDs. At kapanalig, kapag kawawa ang ina, kawawa din ang mga supling.
Noong 1995, sinulat ni St. John Paul II sa kanyang Letter to Women na “unfortunately, we are heirs to a history which has conditioned us to a remarkable extent. Women’s dignity has often been unacknowledged and their prerogatives misrepresented; they have often been relegated to the margins of society and even reduced to servitude.” Nanawagan siya, at sana’y ating dinggin, na ikundena natin ang lahat ng uri ng karahasan sa kababaihan, at tingnan ang ehemplo ng pagrespeto ni Hesus sa mga kababaihan.
Sumainyo ang Katotohanan.