344 total views
Binigyang diin ni Cebu Archbishop Jose Palma na ang karangalan sa paggawa ay nakabatay sa mga manggagawa.
Ito ang pagninilay ni Archbishop Palma sa nalalapit na pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose bilang patron ng mga manggagawa.
Ipinaliwanag ng arsobispo na bilang mga anak ng Diyos ay nararapat na bigyang kahalagahan ang bawat ginagawa at buong pusong ialay sa Panginoon.
“The dignity of work, depends not so much in the work, but in the worker, kay ang nagtatrabaho, anak sa Dios [dahil ang gumagawa ay anak ng Diyos.]” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Una nang binigyang halaga ng simbahan ang kapakanan ng mga manggagawa lalo na sa panahon ng pandemya na marami ang nawalan ng trabaho dahil sa mga limitasyong ipinatupad ng pamahalaan kasabay ng community quarantine.
Sa pinakahuling datos ng Department of Labor and Employment humigit kumulang sa limang milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa pag-iral ng pandemya.
Dahil dito umaasa si Archbishop Palma na pahalagahan ng bawat pamilya ang mga kasapi nitong patuloy na naghahanap buhay sa kabila ng krisis na kinakaharap ng lipunan.
“Sana we appreciate the fruits of the work sa mga miyembro ng ating pamilya. Anything we do na sumusuporta sa ating pamilya, makapag-serve sa ating community, makes the world a better place to live in,” ani ng arsobispo.
1955 nang italaga ni Pope Pius XII ang kapistahan ni Saint Joseph the Worker bilang si San Jose ay isang karpintero na buong pusong inihandog sa Panginoon ang bawat paggawa.
Dahil dito pinangangalagaan ng simbahan ang karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng ensiklikal ni Saint John Paul II na Laborem Exercens kung saan binigyang diin ng dating Santo Papa na tungkulin ng simbahan na itaguyod ang dignidad at karapatan ng mga manggagawa at tulungang lumago bilang bahagi ng pamayanan.
Taong 1870 naman ng idineklara ni Pope Pius IX si San Jose bilang patron ng universal church.
Kaya’t ngayong taon ay idineklara ni Pope Francis ang Year of St. Joseph para gunitain ang ika – 150 anibersaryo ng pagiging patron ng simbahang katolika.
Nakatakda naman sa Mayo 1 ang National Consecration to Saint Joseph ng mga Pilipino batay na rin sa kautusan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.