184 total views
Kapanalig, dati rati, simple lamang ang mga phases o yugto ng buhay ng karaniwang Filipino. Noon, ang mga bata ay malayang nakakapaglaro sa lansangan, nakakapag-aral, at pag nakatapos ng pag-aaral, trabaho naman ang hahanapin. Dati rati, ang edukasyon ay sapat ng susi sa simple at maayos na pamumuhay sa kalaunan.
Ngunit sabay ng yugto ng ating buhay ay ang mga yugto naman ng global, rehiyonal at pangnasyonal na kasaysayan. Naranasan natin ang agricultural age, na naging industrial age, lalo na sa mga developed countries, at ngayon nasa information o digital age na tayo. Sa pagdaloy ng mga yugto itong, maraming mga Filipino ang naiwan sa agrikultura, ang iba, namamayagpag sa industriya, at marami rin ang bumabaybay sabay sabay ng buhay agrikultura, industriya at digital. At sa pagbaybay na ito, marami ang nawalan ng access sa mga pangunahing serbisyo gaya ng edukasyon.
Ang information age, na ating nararanasan ngayon, ay hindi nagbubura ng industriya at agrikultura, kapanalig. Ito ay nagbibigay ng panibagong aplikasyon sa ating nakagawiang gawain. Sa ganitong panahon, ang impormasyon ang prime commodity o pangunahing produkto. Maari payabungin ng impormasyon ang agrikultura at industriya sa pamamagitan ng research and development, mas mabilis na capacity building at information sharing, at modernisasyon. Kaya lamang, kapanalig, napakalawak pa ng digital divide sa ating bansa.
Ayon sa Department of Science and Technology, tinatayang 60% ng ating populasyon ay walang direktang access sa Internet. Mabuti na lamang, ang teknohiya ay praktikal. Ang dating mga nilalaman na programa ng mga computers ay kaya na ring malagay sa mga smartphones ngayon.
Kaya nga’t ang dating simpleng pangarap nating mag-aral, na naging inaccessible sa marami dahil sa iba ibang salik gaya ng pera, lokasyon, at karahasan, ay abot kamay na rin sana para sa marami dahil sa teknolohiya. May mga webinars, may mga online libraries, may mga unibersidad din na nagbibigay ng iba’t ibang kurso at programa online. Kaya lamang kapanalig, hanggang dito, tila dehado ang karaniwang Pilipino. Sa ganitong sitwasyon, saan na pupunta ang karaniwang Pilipino? Maiiwanan na lang ba siya ng bawat yugto ng ating kasaysayan?
Ayon sa United Nations anumang karapatan natin sa impormasyon offline ay gayun din online. Pantay pantay dapat tayo kahit saan, kahit kelan. Kapanalig, kung ang karaniwang Pilipino ay walang access sa mga serbisyo na magpapayabong ng kanyang buhay, parang kinahon na natin siya sa buhay maralita, walang kinabukasan, walang pupuntahan. Maging hamon sana sa atin ang mga kataga mula sa Sacramentum Caritatis, “Lahat tayo ay anak ng iisang Ama, ang ating Panginoon… Lahat ng biyaya at regalo ng sangkalikasan ay para sa ating lahat.”