290 total views
Mga Kapanalig, sa isang pagdinig na ginawa ng Senado tungkol sa krisis sa tubig na nararanasan sa maraming bahagi ng Metro Manila, pinuna ni Senadora Grace Poe ang aniya’y “incompetence” ng pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS. Sabi ng senadora, hindi raw talaga mahahanapan ng solusyon ng mga taga-MWSS ang kakulangan sa suplay ng tubig dahil puro raw abogado ang namamahala ng ahensya at gumagawa ng desisyon.
Kung lubhang mahalaga para sa senadora na akma dapat ang kakayahan ng mga namumuno ng mga ahensya ng pamahalaan sa iniatang sa kanilang trabaho, mukhang hindi na niya kailangang lumayo sa kanyang opisina. Ilan kaya sa kanilang bumubuo ng Senado ang nakauunawa sa kanilang tungkulin na bumuo ng maayos na mga batas at bantayan ang kapangyarihan ng iba pang sangay ng pamahalaan? Ilan sa kanila ang may sapat na kakayahang sumulat ng batas at kaya itong ipaliwanag sa kanyang kapwa mambabatas? Bagamat sinasabi sa batas na karapatan ng sinumang maging lingkod-bayan at mahalal ng taumbayan, hindi kailáng may mga naluluklok sa puwesto dahil lamang sa sila ay sikat na artista o boksingero, o kaya nama’y anak ng isang kilalang artista o pulitiko. Hindi sila naihahalal dahil sa kanilang angking kakayahan tulad ng hinahanap ni Senadora Poe sa mga taga-MWSS.
At kahit kay Pangulong Duterte, hindi mahalaga ang kakayahan ng isang kandidato upang maging mambabatas. Kung para sa kanyang anak, walang problema kung ang mga tumatakbong senador ay sinungaling, para kay Pangulong Duterte, walang problema kung talento sa pagkanta ang batayan upang pumili tayo ng senador. Sa isang okasyon sa Mindanao, sinabi ni Pangulong Duterte na mas karapat-dapat na maging senador ang isang mang-aawit na nagpasikat ng maraming kanta kaysa sa isang human rights lawyer na kilalang tumutulong sa mga mahihirap. Payo pa ng pangulo sa ating mga botante, gamitin daw natin ang ating sentido kumon, ang ating common sense, sa pagpili ng mga senador ng bayan. Hindi napigilan ng pinatutungkulan niyang kandidato na sabihing ang Senado ay isang opisina kung saan ginagawa ng mga batas at hindi isang karaoke bar.
Ngunit sa totoo lang, lumipas na ang panahong ang seryosong pinag-uusapan at pinagdedebatehan ng mga senador ang mga panukalang batas upang sama-samang marating ang pinakamainam na bersyon ng batas. Nakalulungkot na ang nalalaman na lamang natin tungkol sa ating senador ngayon ay kung saang pelikula sila lalabas, kailan ang kanilang laban sa boksing, o kung anong kontrobersya ang kinasasangkutan nila.
May kasabihan ngang, “We get the government we deserve.” Ang kakayahang ipinamamalas ng ating mga lider—o kawalan nila nito—ay salamin hindi lamang ng kalidad ng kanilang pamumuno. Salamin din iyon ng ating mga sarili, ng ating pagpapahalaga—o kawalan ng pagpapahalaga—sa kakayahang mamuno ng mga inihahalal natin. Paano tayo makaaasa ng malinis na pamahalaan kung mga tiwali at magnanakaw ang ihahalal natin? Paano tayo magkakaroon ng makataong mga patakaran kung mga taong walang pagpapahalaga sa buhay ng tao ang ilalagay natin sa puwesto? Paano mabibigyan ng pagkakataon ang lahat na guminhawa sa buhay kung pinipili natin ang mga pulitikong inuuna ang interes ng kanilang negosyo o mga kaibigan? Paano natin paiiralin ang batas kung ang susulat ng mga ito ay wala namang kakayahang intindihin ang tunay na layunin ng batas?
Mga Kapanalig, sabi nga ni St John Paul II, ang demokrasya ay tuluy-tuloy na pagsubok sa kapasidad ng mga mamamayang pamahalaan ang kanilang sarili sa mga paraang naglilingkod sa kabutihan ng lahat at ng bawat isa. Kaya’t mahalagang ang mga pinipili nating maglingkod sa bayan ay ang mga taong kayang ipagtanggol ang katotohanan at ang ating mga pinahahalagahan bilang isang bayan. At hindi ito mangyayari sa isang senadong karaoke bar.
Sumainyo ang katotohanan.