191 total views
Mananatiling magulo at walang kaayusan ang sitwasyon sa mga bilanguan sa buong bansa hanggat hindi magkakaroon ng epektibong pamumuno ang mga opisyal ng Bureau of Corrections na itatalaga ng pamahalaan.
Ito ang pananaw ni Dean Jose Manuel “Chel” Diokno – Founding Dean ng De La Salle University College of Law, Chairperson of Free Legal Assistance Group (FLAG) at isa sa mga Convenors ng MANLABAN sa EJK kaugnay sa kasalukuyang kalagayan ng mga bilangguan sa buong bansa.
Giit ni Dean Diokno, ang dapat na mamuno sa BuCor ay mayroong kaalaman at karanasan sa prison system, prison reform at penal system upang mas maging epektibo sa pagpapatupad ng reporma sa lahat ng mga bilanggo sa buong bansa.
“Matagal na yan nagkakaissue dyan sa BuCor, sunod-sunod nagpapalit palit parati ang leadership niyan parang hindi naman nagiging professional ang paghawak niyan, sa tingin ko ang dapat humawak ng BuCor yung qualified na humawak ng BuCor ay yung may background sa prison system, prison reform, penal system so far sa nakikita ko wala naman silang ina-aappoint na ganun ang background…” pahayag ni Dean Jose Manuel “Chel” Diokno sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang nagpahayag ng pagkabahala ang mga human rights group sa pagkakatalaga kay dating Philippine National Police Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa bilang Director General ng Bureau of Corrections dahil sa hindi akma o tugma ang marahas na ideyalismo ng opisyal sa isang reform institution tulad ng BuCor kung saan layunin nitong maitama at mapanibago ang mga bilanggo.
Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology tinatayang umaabot na sa higit 131 – libo ang bilang ng mga bilango sa buong bansa.
Binigyang diin naman ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na dapat ay Restorative sa halip na Punitive Mentality ang dapat na mamayani sa Justice system ng bansa upang bigyan ng pag-asa o pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay.