188 total views
Dapat igiit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa China ang karapatan ng bansa sa Scarborough Shoal sa apat na araw nitong state visit sa naturang bansa.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, maituturing na pagwaksi sa karapatan ng Pilipinas sa Scarborough kung hindi ito igigiit ng Pangulo sa China.
Inihayag ni Bishop Santos na maliban sa pagpapalakas ng kalakalan ng dalawang bansa ay nararapat ring isulong ng Pangulo ang pagbibigay linaw na may kailangang papasukin ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal dahil ito ay karapatan ng mga Pilipino sa teritoryo na malinaw na pag – aari ng Pilipinas.
“Sa pagpunta niya sa China ito ay maganda ito’y pakikipag – usap at siyempre sa pakikipag – usap ito ay tungkol sa pangangalakal at pagpapalitan ng kaalaman at ng kalakal. Pero dapat nating tandaan, tanggapin at ipaglaban ang ating kasarinlan, ang ating kalupaan. Sa mga bagay na yun ay hindi na dapat dun sa negotiation bagkus ay implementation na ibinigay sa atin nang arbitration court na atin ang Scarborough Shoal na ipinaglalaban natin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Veritas Parol.
Samantala, aabot sa isang libong bigating mga negosyante mula sa Pilipinas at China ang inaasahang pupunta sa pinakahihintay na business forum kasama si Pangulong Duterte sa Beijing na gaganapin bukas.
Magugunitang una na ring inilabas ang desisyon ng arbitration court sa The Hague, Netherlands ang “unanimous award” na pumapabor sa Pilipinas na nagsasabing walang karapatang angkinin ng Tsina ang pinag – aagawang isla na nasa loob ng “exclusive economic zone” o (EEZ) ng Pilipinas.
Nauna na ring binanggit ng kanyang Kabanalan Francisco hindi dapat gamitin ng mga malalaking bansa ang kanilang kapangyarihan upang maliitin at sakupin ang mga lupain at pagmamay – ari ng mga maliit na bansa.
Lumabas sa survey ng Social Weather Station mula ika-24 hanggang ika-27 ng Setyembre 2016, 55-porsiyento ng mga Filipino ay walang tiwala sa China habang 11-percent lamang ang duda sa Estados Unidos.