397 total views
Kapanalig, ang kalusugan ang pundasyon ng ating buhay. Kung wala nito, hirap tayong malasap ang anumang biyayang nilalaan ng Panginoon sa atin. Kaya nakakalungkot na kahit pa isa sa batayang karapatan nating lahat ang kalusugan, hindi ito matamo ng marami nating mga mamamayan, lalo na sa mga probinsya.
Kulang kapanalig, ang mga health workers natin sa maraming lugar sa ating bayan. Noong Setyembre noong nakaraang taon, nasabi nga ng Department of Health (DOH) na kulang tayo ng mga 106,000 nurses sa buong bayan. Liban dito, kulang din ang ating mga midwives, dentista, pati ang iba ang pang mga health care professionals.
Maliban sa health care professionals, kulang din ang mga accessible na health care facilities sa bansa, lalo na sa mga probinsya. Sinasabi nga na kalahati ng mga Filipino ay walang access sa mga malalapit na health care facility, na kailangan kailangan lalo pag emergency.
Isa pa sa mga pagkukulang sa sektor ng kalusugan ay ang mga gamot – maraming mga gamot gaya ng para sa hypertension na kailangan ng ating mga kababayan ay laging out of stock sa ibang mga health centers. Marami tayong mga kababayan, nagpupunta sa health centers para sa libreng mga gamot na ito, pero minsan, marami ang hindi nakakuha dahil out of stock.
Ang mga kakulangan na ito ay kailangang matugunan kapanalig. Hindi nararapat na marami sa ating mga kababayan ang salat sa kalusugan. Ang mga kakulangan na ito ay malalim, magkakaugnay, at nagsasanga-sanga. Para malutas ang mga suliranin na ito, kailangang iprayoridad ng pamahalaan ang kalusugan ng bayan, lalo na sa mga malalayong lugar. Kailangang maglaan ng panahon, tao, resources, at pondo, upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga ospital, rural health centers, mga sentro ng kalusugan, at mga komunidad sa malalayong lugar.
Bukod pa rito, kailangan pa nating bigyang suporta ang mga health professionals sa bayan. Maliban sa insentibo at sweldo, kailangan mabigyan sila ng oportunidad na mas maipabayo pa ang kanilang mga karera, at mayakag na magbigay serbisyo sa ating mga kababayan sa malalayong lugar.
Ilan lamang ito sa maaari nating gawin bilang isang bayan, kapanalig. Sana ay mabigyan ito ng panahon at atensyon para ang mga kababayan nating salat sa atensyong kalusugan ay mabigyan na ng ginhawa sa lalong madaling panahon. Ayon nga sa A Place at the Table mula sa US Conference of Bishops: Pinapa-alalahan tayo ng Catholic teachings na lahat ng tao ay may karapatan sa buhay at kalusugan. Dapat tayong makiisa at abutin ang mga mamamayang hindi nakakamit ang batayang karapatan na ito.
Sumainyo ang Katotohanan.