620 total views
Mga Kapanalig, narinig niyo na ba ang tungkol sa microplastics?
Ito ang mga nagliliitang piraso ng mga plastik na may mga kemikal at kalimitang natatagpuan sa mga karagatan, ilog, at iba pang anyong tubig. Sa katagalan, kapag napupunit, kumikiskis sa mga bato, at natatapakan ang mga plastik, nadudurog ito sa maliliit na piraso at nagiging microplastics. Nagkakaroon ng microplastics dahil sadyang hindi nabubulok ang mga plastik.
Lumabas sa isang pananaliksik ng mga mag-aaral mula sa Mindanao State University – Iligan Institute of Technology na hindi na lamang sa tubig matatagpuan ang microplastics. Nakahalo na rin daw ito sa hangin, at least dito sa atin sa Metro Manila. Ito ang kauna-unahang pagkakataong napatunayang may microplastics sa ating hangin. Ang nakababahala, posibleng nalalanghap o malanghap natin ang mga microplastics na, katulad ng usok na nagmumula sa mga sasakyan, may peligrong dulot sa ating kalusugan.
Kung inyong matatandaan, nagkaroon din ng balita kung saan may natagpuang microplastics sa bituka ng ilang isdang kinakain natin. Bilang isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming itinatapong plastik sa dagat, hindi maiiwasang napupunta ang mga microplastics sa mga seaweed at algae na pinagmumulan ng pagkain ng mga mga isda at iba pang lamang-dagat.2 Napakadelikado nito hindi lang para sa mga isda kundi pati na rin sa ating mga tao, dahil ang kemikal na ginagamit sa paggawa ng plastik ay maaaring magdulot ng neurological, reproductive, at developmental na pagkalason; cancer; paghina ng immune system; at marami pang ibang sakit.
Gaya ng binigyang-diin ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, tunay ngang nakaaapekto sa mga tao ang polusyon at nagdadala ito ng sari-saring pinsala sa kalusugan. Tandaan din nating tayo ang puno’t dulo ng polusyon, kaya nakasalalay din sa atin ang magiging solusyon upang hindi na ito lumala pa.
Sa kabila ng nakababahalang balitang ito, ayon sa UN Environment Programme, may pag-asang mabawasan ng 80% ang polusyon ng plastik kung sama-samang kikilos ang iba’t ibang sektor na tugunan ang problema sa plastik. Ilan sa mga ito ay ang paggawa at seryosong pagpapatupad ng mga batas, patakaran, at programa ng mga gobyerno na babawas sa produksyon ng mga plastik na mapaminsala at hindi naman kailangan. Maaari din silang magbigay ng incentives sa mga sustainable practices na ginagawa ng mga negosyo. Pwede ring mamuhunan ang gobyerno sa mas mahusay na waste management infrastructure katulad ng mga recycling facilities. Para naman sa mga negosyo, may kakayanan silang magkaroon ng alternatibo sa mga plastic packaging o maglagay ng mga refilling stations malapit sa mga mamimili. At bilang mga indibidwal naman, bawat isa sa atin ay may kakayahang gamitin ang ating mga boses para manawagan sa gobyernong itaguyod ang karapatan natin sa malinis na hangin at piliin lagi ang mga desisyong makabubuti para sa ating kapaligiran.
Mga Kapanalig, kahit na nakababahala o nakakatakot ang pagkakaroon ng microplastics sa hanging ating nilalanghap, marami pa rin tayong magagawa para sa ating kapaligiran at kalikasan. Ang problema—gayundin ang solusyon—sa paglaganap ng plastik ay nagsisimula sa atin, sa ating mga institusyon, at sa mga nagpapatakbo ng ating ekonomiya. Dahil alam na natin ang problema, kumilos din tayo para sa mga solusyon. Gaya ng paalala sa Santiago 4:17, nagkakasala ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa. Mayroon tayong karapatan sa malinis na hangin kaya’t maliban sa indibidwal na pagsisikap, patuloy dapat ang panawagan at paghingi natin ng pananagutan sa gobyerno at mga industriyang mayroong higit na kapangyarihan. Kung aktibong kikilos ang lahat tungo sa pagkakaroon natin ng malinis na hangin at kapaligiran, magagawa nating mabawasan ang polusyon sa plastik.
Sumainyo ang katotohanan.