180 total views
Mga Kapanalig, nakalulungkot na ang paglalaro ng isang bata sa labas ng kanilang bahay ay nauwi sa kanyang pagkamatay. Napabalita kamakailan ang pagpanaw ni John Dave Pepito, isang 12-taong-gulang na batang namatay matapos tumakbo papalayo sa mga barangay tanod na humahabol sa kanya. Naglalaro si John Dave at iba pang bata sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa mga saksi, nawalan ng malay ang bata matapos habulin ng mga barangay tanod dahil bawal daw lumabas ang mga bata sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (o MECQ). Itinakbo si John Dave sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Sa loob ng mahigit isang taong community quarantine sa ating bansa, pinananatili sa loob ng bahay ang mga batang katulad ni John Dave. Ayon sa pamahaalan, ito ay upang ilayo sila sa kapahamakang dala ng COVID-19. Ngunit sa edad kung kailan mahalaga ang paglalaro at pakikipag-ugnayan sa kapwa, ano ba ang naging epekto ng pagkakakulong ng mga bata sa apat na sulok ng kanilang tahanan?
Ayon sa konsultasyong isinagawa ng Civil Society Coalition on the Convention on the Rights of the Child (o CRC Coalition), mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang pambata at nagbabantay sa implementasyon ng United Nations Convention on the Rights of the Child (o UNCRC) sa Pilipinas, sinabi ng mga batang malaki ang naging epekto sa kanilang pangkaisipan at emosyonal na kalusugan ng hindi paglabas sa kanilang tahanan sa loob ng higit isang taon. Sa survey naman na isinagawa ng Plan International, isa pang organisasyong nagtataguyod ng karapatang pambata, 42 porsyento ang nagsabing nakaramdam sila ng lungkot at halu-halong emosyon dala ng pandemya. Marami rin ang nagsabing naiinip sila, natatakot, at nababalisa. Kung 24 oras nga naman sa loob ng mahigit isang taon ay nasa loob lamang sila ng bahay, hindi ba’t natural na naisin nilang maglaro sa labas kasama ang ibang bata?
Isa ang karapatang maglaro sa mga karapatang pambatang ipinangako ng Pilipinas na itataguyod noong lumagda ang ating pamahalaan sa UNCRC noong 1990. Hindi lamang saya o katuwaan ang dala ng paglalaro para sa mga bata. Habang nasa proseso pa lamang sila ng kanilang pag-unlad o development, napakaraming matututunan ng mga bata sa pakikipaglaro sa kanilang kapwa bata, gaya na lamang ng pagiging malikhain, paggamit ng imahinasyon, at pakikipagkapwa-tao. Ang paglabas ng bahay ng isang batang katulad ni John Dave, bagama’t delikado dahil sa hindi nakikitang virus, ay isang pamamaraan upang paunlarin ang kaniyang sarili. Natural ito sa mga bata at hindi sila dapat hinahabol na tila mga tinutugis na kriminal dahil lamang sa kanilang kagustuhang maglaro.
Isa lamang si John Dave sa mga naging biktima ng mala-militar na solusyon ng pamahalaan sa isang problemang nangangailangan ng medikal na solusyon. Matatandaan ninyo marahil si Darren Peñaredondo na pinag-squat nang ilang beses dahil nasa labas siya upang bumili ng inuming tubig sa oras ng curfew. Ikinamatay niya ang pisikal na pagpaparusa sa kanya. Kailan pa naging paglabag sa batas ang paglabas upang bumili ng inuming tubig?
Sabi nga ni Pope Francis, ang paglalaro ay ekspresyon ng mga bata ng kanilang pagiging inosente at pangako ng magagandang bagay katulad ng pag-asa, pagmamahal, at kapayapaan. At gaya ng sinabi ni Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.”
Mga Kapanalig, mahalaga ang paglalaro para sa mga bata. Sa halip na habulin ang mga batang naglalaro sa labas, dapat sana ay kinausap na lamang sila nang mahinahon. Hindi dapat takot ang itinatatak natin sa isip ng mga bata kundi pagkalinga at pagmamahal.