14,471 total views
Mga Kapanalig, isa marahil sa pinakatumatak sa atin sa SONA ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo ay ang patutsada niya sa mga kritiko ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at sa mga nagtataguyod ng karapatang pantao. Aniya, “Your concern is human rights, mine is human lives.” Nakababahala ang pahayag na ito dahil ipinakikita nito ang maling pag-unawa sa karapatang pantao.
Una sa lahat, ang karapatang mabuhay ay isa sa mga batayang karapatan ng isang tao. Sa Article 3 ng Universal Declaration of Human Rights na pinirmahan at niratipika ng ating Bansa, nakasaad na “ang bawat tao’y may karapatan sa buhay, kalayaan, at kapanatagan ng sarili.” Sa Ingles, “Everyone has a Right to life, Liberty, and Security of person.” Sa ating Saligang Batas, partikular sa Article III o Bill of Rights, nakasaad na walang sinuman ang maaaring bawian ng buhay, kalayaan, at ari-arian nang hindi naaayon sa kaparaanan ng batas o due process. Sa sinabi ng pangulo, inihihiwalay niya ang karapatang pantao sa ating karapatang mabuhay. Dapat nating ituwid ito. Sabi nga ni Bishop Ruperto Santos ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, hindi maaaring paghiwalayin ang karapatang pantao sa ating karapatang mabuhay, at ang pagtataguyod ng karapatang pantao ay bahagi ng pagpapahalaga natin sa buhay ng bawat isa.
Pangalawa, lahat ay may karapatang mabuhay. Para kay Bishop Pablo Virgilio David ng Caloocan, patunay ang mga sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya itinuturing na “Human lives” ang buhay ng mga pinatay na umano’y sangkot sa droga at nanlaban sa mga pulis. At hindi kailanman sasang-ayunan ng ating Simbahan ang ganitong pangangatwiran. Itinuturing ng ating Santa Iglesia na usaping pangkalusugan ang paggamit ng mga tao ng ilegal na droga at kinakailangang bigyan ito ng lunas, hindi gamitan ng dahas. Rehabilitasyon ang kailangan ng mga gumagamit ng ilegal na droga, at noon pa man, katuwang na ang Simbahan ng pamahalaan sa paglutas sa problemang ito.
Panghuli, sa halip na inililigtas ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga ang buhay ng mga Pilipino, lalo pa itong ikinapapahamak ng ating mga kababayan. Sabi ng Pangulo, sinisira ng droga ang pamilya at kinabukasan ng mga kabataan—at tama naman ito—ngunit ilang bata pa ang kailangang mamatay upang makitang hindi ang kabataan ang nasa puso ng marahas na patakarang ito? Ilang Kian, Danica Mae, at Althea ang kinakailangang nakawan ng kinabukasan upang maituwid ang hindi makataong kampanyang ito?
Pagbabanta pa ni Pangulong Duterte, magpapatuloy ang walang-awa at madugong kampanya ng pamahalaan upang puksain ang ilegal na droga. Sa madaling salita, marami pa ang mamamatay, kaya’t dapat tayong manatiling mulat at matatag sa pagbabantay ng karapatan ng bawat isa sa atin na mabuhay.
Kung patuloy ang Pamahalaan sa pagpapalaganap ng kultura ng kamatayan, patuloy naman ang Simbahan sa pagpapaalalang sagrado ang buhay ng tao. Isa nga sa sampung utos ng Diyos ay “huwag kang papatay,” at malinaw na nilalabag ito ng kampanya ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot, isang kampanyang lumalapastangan sa buhay ng tao.
Sabi nga ni San Ignacio de Loyola, na ang kapistahan ay ipinadiriwang natin ngayon, ipahayag natin ang pag-ibig sa Diyos sa ating gawa, hindi lamang sa salita. Hinahamon tayong ipakita ang ating pag-ibig sa Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban, ngunit sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwang katulad natin ay may dignidad at karapatang mabuhay. Kung hindi maihihiwalay ang ating karapatang mabuhay sa karapatang pantao, hindi rin natin maihihiwalay ang pag-ibig natin sa Diyos sa pagmamahal sa ating kapwa, dahil sa mukha ng ating kapwa, lalo na sa mga mahihirap na biktima ng madugong kampanya ito, natin makikita ang mukha ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.