117 total views
Ito ang tiniyak ni Father Ranhilio Aquino, Dean ng San Beda College Graduate School of Law sa deklarasyon ng “national emergency” na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte bago umalis patungong Laos.
“Yung declaration ng State of Lawless Violence was replaced last night by a declaration of National Emergency. So we are now officially under a declaration of National Emergency. He (PRRD) did not resume it (declaration ng State of Lawless Violence), pero it was overtaken by a declaration of state of national emergency…”pahayag ni Father Aquino sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Father Aquino na halos magkatulad lamang ang dalawang deklarasyon ngunit nangangahulugan ang pagdedeklara ng state of national emergency na ipinapahiwatig ng Pangulo sa mamamayan na mayroong malubhang pinagdadaanan ang bansa.
“Actually largely the effect is just the same, there are certain features over declaration of National Emergency, unang-una ang State of National Emergency ipinapahiwatig ng Pangulo sa buong bansa na may pinagdadaanan tayong malubha kaya National Emergency…” dagdag pa ni Fr. Aquino.
Tiniyak naman ng pari na walang inaalis na karapatang pantao ang pamahalaan sa bawat mamamayan.
Sa halip, nilinaw ng pari na sa state of emergency ay tinatawagan lamang ang hukbong Sandatahan ng Pilipinas upang tulungan at ayudahan ang hanay ng mga pulis na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng banta ng terorismo sa bansa.
“Liwanagin ko lang na by means of this order walang inaalis na karapatang pantao. Hindi ibig sabihin na kahit sino puwedeng arestuhin na, anong bahay ay puwedeng pasukin na. Hindi naman ganun, nananatili pa rin ang lahat ng karapatan natin, ang State of National Emergency ay yung paggamit niya dun sa tinatawag nating “Calling Out Powers na ibinigay sa kanya ng Saligang Batas. Sabi ng article 7, “he may call out the armed forces to suppress lawless violence” and that is exactly the latest proclamation he did. He orders the armed forces to assist the police in enforcing law and order…” paglilinaw ni Fr. Aquino.
Dahil dito tiniyak ni Father Aquino na walang dapat ipag-alala ang mga mamamayan sa halip ay nararapat na makipagtulungan sa mga kinauukulan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa mula sa banta ng karahasan at kaguluhan.
Batay nga sa pagsusuri ng Global Terrorism Indez noong 2013, pang-siyam ang Pilipinas sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng terorismo na kagagawan ng mga grupong New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Abu Sayaff Group na gumagawa ng mga serye ng suicide bombing bilang taktika ng pag-atake.
Samantala sa datos ng ibat-ibang samahan, sa nakalipas na 12 taon hanggang 2013, mahigit na sa 300 indibidwal ang nasawi sa mahigit 60 insidente ng pambobomba sa bansa kung saan 6 dito naganap sa Davao region.