722 total views
Sari-saring paglabag sa karapatang-pantao ang nararanasan ng mga apektadong residente ng Talipip, Bulakan, Bulacan dahil sa banta ng New Manila International Airport Project o Bulacan Aerotropolis ng San Miguel Corporation.
Ayon kay University of the Philippines – Diliman, Department of Community Development Assistant Professor Dr. Baleng Lagos, taong 2017 pa lamang ay humihiling na ng paliwanag at karagdagang impormasyon mula sa lokal na pamahalaan ang mga mangingisda ng Taliptip tungkol sa proyektong paliparan.
Ngunit lumipas na ang mga taon ay hindi pa rin ito nalilinaw hanggang sapilitan nang pinaalis ang mga apektadong pamilya sa kanilang mga tahanan.
“Laging nabibigo ‘yung mga dayalogo at laging sinasabing either wala pang kasiguraduhan ‘yang airport na ‘yan, hindi namin alam ang tungkol d’yan sa airport na ‘yan. Halos sabihin na nilang ‘tsismis lang ‘yan’,” ayon kay Lagos sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit din ni Lagos na taliwas ang pahayag ng SMC kung saan sinasabing matutulungan ng kanilang proyekto na maiangat ang buhay ng mga apektadong komunidad.
Pagbabahagi ng propesor na batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga mangingisda, wala pa rin silang natatanggap na maayos na kumpensasyon matapos na paalisin sa kanilang mga tahanan at alisan ng hanapbuhay.
Nagkakahalaga lamang ng P30,000 ang kumpensasyon mula sa kumpanya na hindi rin sasapat sa pagpapatayo ng mga bagong tahanan at pagsisimula ng pagkakakitaan.
“Actually, mas kawawa ‘yung mga napilitang tumanggap ng compensation kaysa dun sa mga naggiit na gusto nila ng relocation houses,” ayon kay Lagos.
Samantala, nananawagan naman si Fr. Francis Cortez, tagapagsalita ng Bulacan Ecumenical Forum kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr na muling suriin ang proyektong paliparan.
Sinabi ng pari na sang-ayon ang grupo sa mga layunin ng pamahalaan upang umunlad ang ekonomiya ng bansa ngunit dapat ding isaalang-alang ang magiging epekto nito sa kalikasan at mga apektadong komunidad.
Pagbabahagi ni Fr. Cortez na maliban sa mga palaisdaan lubha ring naapektuhan ng reklamasyon ang mga mangrove trees sa tabing-dagat, gayundin ang hanapbuhay ng mga magsasaka sa mga karatig na bayan at pamayanan dulot naman ng mga pagbaha.
Batay sa ulat, aabot na sa 700 pamilya ang sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan at madaragdagan pa ito upang tuluyang maisakatuparan ang pagtatayo sa Bulacan Airport.
Ang Bulacan Aerotropolis ay nagkakahalaga ng P700-bilyon at may sukat na humigit-kumulang 2,500-ektarya.