660 total views
Hinikayat ng Simbahang Katolika ang mga magpapatupad ng Martial Law sa Mindanao na isaalang-alang ang karapatang pantao ng mga residente sa rehiyon.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs, umaasa siyang masusugpo ng pansamantalang pag-iral ng martial law ang terorismo sa buong rehiyon.
Iginiit ni Father Secillano na matiyak ng pamahalaang Duterte na hindi maabuso ang batas militar lalo’t ang terorismo ang dahilan ng deklarasyon.
Umaasa ang pari na agad ding bawiin ang martial law matapos ang krisis sa Marawi.
Paglilinaw ni Father Secillano na hindi lamang nasa Marawi kundi nakakalat sa ilang bahagi ng Mindanao ang mga terorista kaya’t ‘praktikal’ lamang na pairalin ang martial law sa buong rehiyon na may kabuuang populasyon na 20 milyon katao.
“Yung sa Mindanao maaring praktikal, pero ang palawigin pa ito sa Luzon at Visayas, pag-aralan muna mabuti at ang lahat ng mga desisyon ay naka-ugat sa intelligence network kung anong sasabihin nila. Para naman ito sa seguridad natin. Pero tatandaan natin kung ang gobyerno ay poprotektahan tayo laban sa terorista dapat huwag lalabag sa mandato nila na protektahan tayo.” ayon kay Fr. Secillano.
Naninindigan naman si Father Secillano na crucial decision at hindi dapat padalos-dalos na palawigin pa ang martial law sa Luzon at Visayas.
Sinabi ng pari na pagtuunan muna ng pamahalaan ang problema sa Mindanao. “Expanding it to Luzon and Visayas, sabi ko nga ay tingnan na maigi. Ito ay crucial decision at hindi dapat magpadalos-dalos, tanggapin na lang nang ganun-ganun, sa halip mag-focus sa problema sa Mindanao.
Kailangan paigtingin na lang ang security forces sa Luzon at Visayas. At napakahalaga ng epektibo ang intelligence network ng gobyerno,” ayon pa kay Fr. Secillano. Umaasa din ang pari na hindi maulit ang pang-aabuso na naganap noong 1972 nang ipatupad ang martial law sa panahon ng dating pangulong Marcos.
Nilinaw ng pari na hindi mai-aalis ang agam-agam ng marami lalu’t ang mga ito ay nakaranas na ng pagmamalupit sa umiral noong batas militar.