519 total views
Homiliya Para sa Kapistahan ng Sagradong Puso, Ika-16 ng Hunyo, Mateo 11:25-30
Ang imahen ng Kristong nakaturo sa kanyang pusong hubad at nakalantad, sugatan at nagdudugo pero nagliliyab, ay isang pangungusap. Tungkol saan? Tungkol sa tunay na karunungan na ibig niyang ituro sa atin at sa buong sangkatauhan.
Kasi dito sa mundo, ang itinuturo ng tao kapag karunungan ang tinutukoy ay ang ulo, o ang nasa loob ng ulo—ang utak. Di ba MAUTAK ang tawag natin sa mga taong tuso? Di ba UTAKAN ang tawag natin sa tagisan ng talino?
Sa Bibliya, sa aklat ng Genesis, ang ahas ang imahen ng karunungan. Kaya sa kuwento ng unang tukso sa paraiso, ang ahas ay inilalarawan bilang pinakatusong nilalang. Tinuruan niya ang tao na maghangad ng alam niyang karunungan para daw mautakan ang Diyos. Pinaisip niya sa tao na kaya inilalayo ng Diyos ang tao sa ipinagbawal niyang bunga ay dahil maramot siya. Ayaw niyang mapasaatin ang sikreto ng karunungan na kailangan para matulad tayo sa kanya. Ang itinuro niya sa tao na karunungan ay katusuhan, natuto tayong mag-Diyos-diyosan. Na gamitin ang husay at galing para mahigitan ang kapwa at magkaroon ng kapangyarihan.
Tayong mga Pilipino meron tayong kasabihan: TUSO MAN DAW ANG MATSING AY NAPAGLALALANGAN DIN. Alam nyo ba kung paano hinuhuli ang mga unggoy sa Africa? Sa pamamagitan ng buko. Binubutasan nila ito at nilalagyan ng kendi sa loob. Para pag nakita niya ang buko aalugin niya ito at pag nalaman na may laman sa loob, aamuyin niya at sisikaping makuha ang kendi sa loob nito. Ipapasok ang kamay sa loob maliit na butas. At pag nakapa na ang kendi dadaklutin niya ito at pipiliting ilabas. Pero hindi niya mailalabas ang kamay niya dahil nakatikom ito sa kendi. Simple lang ang solusyon para mailabas niya ang kamay niya—ang bitawan ang kendi, pero hindi na niya bibitawan. Itatakbo niya ang mabigat na buko at mas madali na siyang habulin at hulihin.
Maraming taong ugaling unggoy. Nagpapakatuso, ginagamit ang talino sa panggagantso o panlalamang sa kapwa. Akala nila iyon na ang ibig sabihin ng maging marunong.
Sa ebanghelyo, sinabi ni Hesus—itinago daw ng Diyos ang mga bagay tungkol sa kaharian sa mga matatalino at ibinunyag sa mga musmos. Kaya sa kasunod na linya, pag-uusapan niya ang tunay na kahulugan ng salitang ALAM. Wala daw nakakaalam sa Ama kundi ang Anak, at wala ring nakaaalam sa anak kundi ang Ama. Sa Hebreo, ginagamit din ang salitang ALAM para tukuyin ang pagtatalik ng mag-asawa. Kasi sa Diyos, ang tunay na karunungan ay hindi talino ng utak kundi talino ng puso. At ang talino ng puso ay may kinalaman sa PAG-IBIG.
Kaya sinabi niya—“Lumapit kayo sa akin, kayong mga nabibigatan sa buhay at bibigyan ko kayo nga kaginhawaan.” Para bang kinakausap niya ang mga taong ugaling unggoy na mahigpit ang kapit sa kendi pero bigat na bigat na sa binibitbit dahil hindi mailabas ang kamay sa buko.
Sabi niya—Mag-aral daw tayo sa kanya; matuto ng tunay na talino mula sa kanyang pusong maamo at mapagpakumbaba. Tuturuan niya tayong magbukas-palad para makalaya. Huwag tayong magpalinlang sa ahas; hindi karunungan ang turo niya kundi katusuhan. Hindi UTAKAN ang susi ng maginhawang buhay kundi PUSO. Ang mga taong tunay na nagpapakatao at nakakatuklas ng kaligayahan sa buhay ay ang natutuong UMIBIG NANG WAGAS katulad ng Diyos, dahil ang Diyos ay PAGIBIG.
Ang simbahan pala ay parang eskuwelahan din. Ang Diyos ang ating tagapagturo sa pagkatao ni Hesukristong Anak niya. Hindi utak ang itinuturo niya kundi puso—pusong kung kailan nasusugatan at nagdurugo ay lalong nag-aalab. Pusong may layunin at pinag-aalayan. Pusong natutong umibig at magmahal kung paano tayo inibig at minahal ng Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo. Di ba ang turo niya sa atin simple lang:
Ibig mong tumanggap? Magbigay ka. Ibig mong patawarin ka, magpatawad ka. Ibig mo ng buhay na walang hanggan? Pag-aralan mong mamatay sa sarili at mag-alay ng buhay.