85,047 total views
Mga Kapanalig, ganoon na lamang ba kababa ang pagpapahalaga natin sa buhay ng ating kapwa-tao na handa natin itong bawiin ng mga iniluluklok nating berdugo sa ngalan ng pagkakaroon ng payapa at ligtas na kapaligiran?
Ganyan kasi ang mapapansin sa mga sentimiyento ng ilan nating kababayan habang isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Subcommittee ang pagdinig sa “war on drugs” ng dating administrasyong Duterte. Sa kanyang pagharap sa komite, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sinubukan daw niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya para tugunan ang problema sa iligal na droga sa bansa. Gusto niya itong iwan na parang pamana bago siya umalis hindi lamang sa puwesto kundi sa mundong ito. Hindi raw iyon naging perpekto. Marami raw pagkakamali at baka marami ngang krimeng ibinunga ang giyerang inilunsad niya. Sa kabila ng mga ito, inako niya ang “full legal [and] moral responsibility” para sa kinalabasan ng kampanya niyang iyon.
Malakas ang loob niyang sabihin ang mga salitang ito dahil mga kilaláng kakampi niya ang halos lahat ng senador. May isa ngang nagsabing dahil sa war on drugs, “natakot ang napakaraming mga kriminal, durugista, at pusher.” Wala pa nga raw ginagawa ang mga pulis noon; nagbanta lamang daw si dating Pangulong Duterte matapos niyang manalo sa eleksyon. Puro daw mga biktima ng war on drugs ang pinag-uusapan pero hindi nabibigyan ng pansin ang mga biktima ng mga durugista. Ang isa namang senador, tila nag-abogado pa para sa dating pangulo. Hinayaan lang din si dating Pangulong Duterte na magmura at bastusin ang tanging senador na nagtatanong ng mga tamang tanong.
Natapos ni Pangulong Duterte ang kanyang anim na taóng termino nang may napakataas na approval rating. Sa katunayan, sa buong termino niya, nanatiling sikat ang dating presidente sa kabila ng hindi maayos na pagtugon sa pandemya, mga alegasyon ng katiwalian, at kaliwa’t kanang patayan para linisin daw ang problema natin sa droga. Hanggang ngayon nga, kasama siya sa mga nanguguna sa mga senatoriables. Bumuhos din ang mga mensahe ng suporta para sa kanya sa social media noong humarap siya sa hearing ng Senado. Sila rin ang tumadtad ng batikos sa mga inimbitahang resource persons na nagpatunay sa kawalang-paggalang ng kampanya kontra droga sa buhay at dignidad ng tao—matanda o bata man.
Hindi lamang ang karakter ng dating pangulo ang ating nakikita sa isinagawang pagdinig ng Senado—isang karakter na matagal na nating alam. Ang nakikita natin ay ang karakter nating mga Pilipino—hindi man ng lahat ng Pilipino pero tiyak na hindi sila kakaunti. Ang patuloy na kasikatan ng dating pangulo at ang pagkakaluklok ng kanyang mga kakampi sa puwesto ay mga malinaw na patunay. Kayâ ang mga lider nating ginagawa ang kanilang trabaho para papanagutin ang mga naghikayat ng pagpatay sa mga kababayan natin ay tila bumabangga sa hindi matibag-tibag na pader.
Lagi nating ipinagmamalaking mayorya ng mga Pilipino ay Kristiyano. Pero wala itong saysay kung marami rin sa atin ang pumapabor sa karahasan para solusyunan ang mga itinuturing nating problema ng bayan. Hindi kailanman itinuro ni Hesus ang paggamit ng karahasan. Sabi nga sa 1 Juan 4:20, “Ang nagsasabing, ‘Iniibig ko ang Diyos,’ subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?” Sa Catholic social teaching naman na Fratelli Tutti, ipinaaalala ng ating Simbahan na dapat tiyakin ng bawat lipunan na ang mga mabubuting pinahahalagahan nito—o values—ay naipapasa o naipamamana. Kung hindi ito mangyayari, ang maipapasa ay pagkakanya-kanya, karahasan, katiwalian, at pagkawalang-pakialam. Ito ba ang gusto natin?
Mga Kapanalig, walang Kristiyanong kasabwat sa patayan.
Sumainyo ang katotohanan.