1,874 total views
Kasakiman ng tao ang pangunahing sumisira sa kalikasan.
Ito ang binigyan diin ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa programang Pastoral visit on-the-air ng Radio Veritas.
Paliwanag ng obispo, mahalaga ang kalikasan sa bawat isa lalo’t ito rin ang nagbibigay ng ating mga pangangailangan at nagsisilbing proteksyon mula sa kalamidad.
‘Ito ang sumisira sa ating daigdig. Yun bang gusto mong makinabang kasi napaka-productive-it provides all the things that we need. Pero mayroong kasabihan that ‘there is enough for everyone’s need, but not for everyone’s greed ang kalaban talaga natin ay kasakiman,’ ayon kay Bishop David.
Panawagan ni Bishop David sa bawat isa na matutong pangalagaan ang kapaligiran hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi maging sa susunod na salin-lahi.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay na rin sa pagdiriwang ng Season of Creation na simulang ipinagdiwang ng simbahang Katolika noong 2015 sa pakikipagtulungan ng rin ng iba’t ibang mga Kristyano.
Ito ay una na ring ipinagdiwang ng Orthodox tradition simula pa noong 1989 at ng Christian European church noong 2001.
Ang ‘Season of Creation’ ay ipinagdiriwang sa buong buwan ng Setyembre at magtatapos sa October 4 kasabay ng kapistahan ni St. Francis of Assisi ang patron saint ng Ecology.
Bagama’t sa Pilipinas ay pinalawig pa ang pagdiriwang hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre para sa pagdiriwang ng Indigenous People’s Sunday.
Ito ay bilang pagkilala ng Pilipinas sa mahalagang bahagi ng mga katutubo sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan.