212 total views
Kasakiman sa pera, kapangyarihan at ari-arian ang ugat ng Narco-politics at Dinastiya sa bansa.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mga aspektong ito ay magkakaugnay sa usapin ng katiwalian at pagsasamantala ng ilang mga opisyal ng bayan sa kanilang posisyon at katungkulan.
Binigyan-diin ng Arsobispo na maibabalik lamang ang kaayusan at katapatan sa panunungkulan kung tuluyang maibabalik ang Diyos bilang sentro ng ating lipunan.
“yung Narco-Politics ang una kaya sila Politician ay gusto nilang magkapera, pero in the end kawawa din sila they are never satisfied, kaya dyan gusto nilang karugtong na dyan ay Dynasty. Nasa dyaryo na ngayon yan, mag-ama na, nandun na sa gobyerno pero pareho silang drug-addict, pareho silang connected sa mga katiwalan at sa pagpapahamak ng kapwa, ang kailangan pagbabago at ibalik natin ang Diyos sa ating lipunan, kapag wala ang Diyos ay nandyan yung pagsasamantala sa kapwa…”pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, sa mahigit 150 pangalan sa listahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sinasabing sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa buong bansa, 54 sa mga ito ang mga halal na opisyal ng pamahalaan, sa bilang na ito, 32 ang kasalukuyang nakaluklok sa puwesto kung saan 23 ang mayor, 7 ang vice mayor, 1 ang district representative at 1 konsehal.
Samantala, unang inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mula January 2015 hanggang January 2016 ay umabot sa 69 na mga halal na opisyal ng lokal na pamahalaan ang naaresto ng kanilang tanggapan dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon nga sa Kanyang Kabanalan Francisco “Ang Pulitika ay isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa…” dahil sa pagtutok sa common good o ang mas makabubuti para sa lahat.