523 total views
Kapanalig, isa mga dahilan ng tagumpay at kasiyahan ng maraming pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng mga mapagkakatiwalaang kasambahay. Aminin man natin o hindi, ang tahanan natin ay tumatakbo ng maayos dahil sa kanilang pagtulong. Kabalikat na natin sila sa ating buhay. Napakalaki ng kanilang ambag sa ating bayan.
Ang kasambahay ay mga indibidwal na ating inaatasan na gumawa sa ating bahay – maglinis, magluto, maglaba, pati mag-alaga ng bata. Mahirap na gawain ito, at mahirap makakita ng tao na tapat na tutulong sa atin. Para sa mga tahanan na swerteng nakatanggap ng ganitong biyaya, Atin bang naibabalik, kahit papano, ang pagkalinga nila sa atin?
Sa ating bansa, ang karapatan ng mga kasambahay ay napapahalagahan sa pamamagitan ng “Domestic Workers Act” o Batas Kasambahay (Republic Act No. 10361). Ipinapatupad nito ang mga karapatan ng mga kasambahay, kasama na ang tamang pagpapasahod, oras ng trabaho, benepisyo, at iba pa. Napakahalaga nito lalo pa’t nag-iisa lamang ang maraming mga kasambahay sa mga tahanang kanilang pinaglilingkuran, at wala silang ibang kasangga pagdating sa paghayag ng kanilang saloobin at karapatan.
Napa-importante rin ng batas na ito dahil sa mga tahanan, hindi lamang walong oras ang gawaing bahay. Tuloy tuloy ang karaniwang trabaho dito, at kung walang batas, halos wala ng pahinga ang tao. Pagdating kasi sa gawaing bahay, pakiramdam ng marami sa atin ay madali lamang ito dahil nasa bahay lang naman – kaya’t sige minsan ang utos kahit na pagod na ang kaagapay na kasambahay.
May mga pagkakataon din na mga bata, mga edad 15 hanggang 18, ay pumapasok bilang kasambahay. Ang Domestic Workers Act ay nagbibigay proteksyon din sa kanila at sinasaad nito na hindi dapat hadlangan ang kanilang access sa edukasyon.
Napakahalaga kapanalig ng mga batas gaya nito dahil rampant o madalas din ang mga insidente ng pang-aabuso, lalo na mga bata ang kasambahay. Hindi namamalayan ng iba na hindi na kasambahay ang turing sa kanila, kundi alipin na. Tinatayang mahigit pa sa 1.4 milyon ang mga kasambahay sa ating bayan. Marami pa ito dahil hindi naman lahat ay nalilista o kinikilala.
Sa pagtataguyod ng mga karapatan at kagalingan ng mga kasambahay, mahalaga na magkaroon tayo ng edukasyon at kamulatan ukol sa kanilang kontribusyon at mga pangangailangan. Dapat tayo ay may maging sensitibo sa kanilang sitwasyon at gumawa ng mga hakbang upang mapabuti pa ang kanilang kalagayan. Sabi nga sa Rerum Novarum: “The first thing of all to secure is to save unfortunate working people from the cruelty of men of greed, who use human beings as mere instruments for money-making. It is neither just nor human so to grind men down with excessive labor as to stupefy their minds and wear out their bodies.”
Sumainyo ang Katotohanan.