234 total views
Nagpahayag ng kahandaan ang Caritas Manila na magbigay ng kasanayan sa livelihood programs sa mga itatayong community-based rehabilitation centers ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Caritas Manila executive director Rev. Fr. Anton CT Pascual, malaki ang maitutulong ng kanilang programa na Caritas Margins lalo na at marami na rin silang micro – entrepreneur na handang magbigay ng kanilang oras at talento upang maibahagi ang kanilang kaalaman sa pagnengosyo.
Tiniyak ni Father Pascual na sa ganitong pamamaraan ay mabibigyan ng panibagong pagkakataon ang halos pitong daang libong drug surrenderers na magkaroon ng disenteng mapagkakakitaan.
“Kasama nga yan sa ating programa na drug rehab and restoration program ng Simbahan upang matulungan itong mga sumukong addicts sa pamahalaan na magkaroon ng alternative livelihood program. Kaya’t ang margins mayroon tayong mga trainers for food and non – food products na maaaring maging trainor at mabigyan sila ng iba – ibang mga skills para sila ay magkaroon ng bagong paraan ng paghahanap – buhay at makalaya na sa droga,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Katuwang ng Caritas Margins ang halos isang libong urban poor communities na lumilikha ng kanilang produkto na siya namang ibinebenta ng Caritas Manila upang matulungan silang kumita at makalikom rin ng pondo sa halos 5 libong YSLEP o Youth Servant Leadership and Education Program.