258 total views
Homily for Thursday of the 25th Week in OT, 21 Sept 2022, Luk 9:7-9
Minsan isang araw, may isang bata. Nainis siya sa lolo niya dahil umuulit na ang sinasabi dahil yata sa katandaan. Nasabi tuloy ng bata, “Si lolo naman, paulit-ulit. E ilang beses ko nang narinig ang kwentong iyan.”
Nasaktan ang kalooban ng matanda pero nagtimpi siya sa sinabi ng bata. Ganito ang isinagot niya, “Anak, ganyan naman talaga ang buhay. Tingnan mo ang araw, sisikat sa umaga, lulubog sa hapon, sisikat muli kinabukasan at lulubog muli para sumikat na naman kinabukasan. Tingnan mo ikaw, matutulog mamayang gabi, gigising muli kinabukasan, maghihilamos, mag-aalmusal, manananghalian, maghahapunan, matutulog at gigising muli kinabukasan, paulit-ulit din, di ba? Mabuti naman at hindi ka pa nagsasawang mabuhay.”
Ang ating mga pagbasa ngayon ay magandang palaisipan tungkol sa takbo ng buhay at mga pangyayari sa kasaysayan. Sa ebanghelyo, parang napa-praning si Herodes Antipas, ang gobernador ng Galilea na nagpa-EJK kay San Juan Bautista. Nabalitaan kasi niya ang tungkol sa isang bagong propetang sumisikat sa Galilea na ang pangalan ay Hesus, at ang usap-usapan ng mga tao tungkol sa kanya. Na para daw nilang naririnig muli sa mga pananalita niya si Juan Bautista. Akala siguro ni Herodes minumulto siya ng taong pinapatay niya; na binabalikan siya para usigin ang konsensya niya.
Sa unang pagbasa naman, parang may krisis din na pinagdaraanan ang awtor, na kilala sa pangalang “Qoheleth” sa Hebreo o “Ecclesiastes” sa Griyego. Parang katulad ng sinabi ng lolo sa apo sa aking kuwento kanina. Sabi niya, “Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan.” Sabi pa niya, “Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. Walang bagong pangyayari sa ibabaw ng daigdig.”
Sabi ng mga psychologists, may yugto sa buhay ng tao na maaaring dumanas tayo ng krisis ng pagkabagot. Tulad ng nangyayari sa mga lalaking nagmi-“midlife-crisis”. Minsan, basta na lang iiwan ang trabaho, o asawa, o pamilya, o bayan. Para bang nakakaramdam ng pagsasawa sa paulit-ulit na ginagawa, wala nang nilu-look forward, maghahanap ng bago, maghahanap ng adventure. Ang iba ay bumabalik din pagkatapos ng episode ng krisis. Ang iba naman ay natutuluyan sa pagkakalat at pagkaligaw ng landas sa buhay.
Parang nasa may dulo ng pagbasa ang susi. Sa verse 11, sabi ni Qoheleth, “Hindi na maalaala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.” Ibig sabihin, ang madalas maging dahilan ng krisis ng pagkabagot o pagkakalat ng mga tao at lipunan ay pagkalimot sa kasaysayan. Di nga ba may kasabihan, “Ang hindi nakatatanda sa nakaraan ang siyang haharap sa trahedya ng pag-uulit nito.”
Talagang magpapaulit-ulit lang ang karanasan ng tao kapag hindi na tayo marunong magbalik-tanaw, magnilay, maghanap ng kahulugan. Ang problema, may mga taong naghahanap ng kahulugan na para bang basta na lang ito mahuhulog mula sa langit. May nagsabi minsan, ang kahulugan daw ay hindi “natatagpuan” kundi “ginagawa”. Kapag parang walang kahulugan ang mga bagay-bagay, edi bigyan ng kahulugan.
Iyun naman ang pinanggalingan ng salitang Filipino para sa history—kasaysayan. Ang ugat na salita ay saysay, ibig sabihin, kahulugan. May kahuhulugan. Di ba sayang lang ang tubig mula sa poso kung walang timba na sumasahod dito? Matatapon lang. Masasayang. Ang paghahagilap ng kahulugan sa buhay ay parang paghahanap din ng timba na iipon sa ating mga alaala sa buhay, para mabigyan natin ng saysay ang mga pangyayari. Hindi totoong pareho lang ang kahapon sa ngayon at bukas. May mga araw na kahit nakaraan na ay tatandaan natin habambuhay. May mga pangyayaring magbubukas para sa atin ng isang bagong bukas at sa posibilidad na may naghihintay na hinaharap na mas higit na maganda, mas higit na maginhawa, mas higit na makatarungan at mapayapa kaysa ngayon.
Hindi naman masama ang pag-uulit. Maraming bago na pwedeng mangyari sa bawat sandali, na hindi mangyayari kung hindi tayo matutong maghagilap ng kahulugan. Ang buhay na hindi hinahanapan ng saysay ay mauuwi talaga sa pagkakalat.