6,910 total views
Inilunsad ng Philippine National Police ang Revitalized KASIMBAYANAN Program na layong palakasin ang pagtutulungan sa pagitan ng PNP at simbahan upang lubos na mapaglingkuran at magampanan ang tungkuling pangalagaan ang mamamayan.
Ang KASIMBAYANAN ay mula sa mga salitang Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan kung saan binibigyang kahalagahan ang magkakatuwang na gampanin tungo sa pagkakaisa at pagtutulungan upang matagumpay na maisakatuparan ang pagpapatupad ng mga batas at programa para sa kabutihan at kapakanan ng nakakarami.
Ikinagalak ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs ang pagkilala ng PNP sa simbahan bilang katuwang sa pagtataguyod ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan.
Ayon kay Fr. Secillano, nawa’y ang presensya ng simbahan sa mga layunin ng programang KASIMBAYANAN ay tunay na maging makabuluhan tungo sa kabutihan ng nakararami.
“The Church continues to engage with different sectors because the church believes a lot of solving the problems in our country actually means our cooperation and our unity,” pahayag ni Fr. Secillano.
Nangangako naman ang simbahan na magiging epektibong instrumento at katuwang ng mga kapulisan sa pagtugon upang mabawasan at mapigilan ang mga nangyayaring krimen sa lipunan at sa halip ay mangibabaw ang katarungan at kapayapaan.
“Dito po sa partnership na ‘to, nais po naming ibahagi sa inyo ang aming pakikipagtulungan, suporta at anuman po ang magagawa pa naming iba para mas mapaunlad po natin ang bayan, para ang mga tao ay maprotektahan, para ang common good ay ma-uphold po natin, gagawin po ng simbahan,” ayon sa pari.
Bukod sa CBCP, kinatawan din si Fr. Secillano ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula para sa ginanap na pagpapasinaya ng programa ng PNP.
Samantala, nagsilbi namang Guest of Honor at tagapagsalita si Department of the Interior and Local Government-National Capital Region Director Maria Lourdes Agustin.
Kabilang din sa mga nagpaabot ng mensahe at suporta sa programa sina Rev. Nolasco S. Apolonio, President, National Capital Region Police Office Advocacy Group for Peace and Force Multipliers; Rev. Augustus Caesar T. Maribojoc, National Coordinator, Philippine Council of Evangelical Churches-Promise Keepers Philippines; Hon. Yusoph J. Mando, Commissioner, National Commission of Muslim Filipino; at si Ms. Imelda A. Papin, President, Actors Guild of the Philippines.
Isinagawa rin sa programa ang paglagda sa Memorandum of Understanding sa panguguna ni Police Brigadier General Jonnel Estomo, Acting Regional Director, kasama ang mga pinuno at kinatawan ng Faith-based Advocacy Support Groups, Peace Advocates at Local Government Units.
Ginanap ang pagpapasinaya sa KASIMBAYANAN Program sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nitong October 3, 2022.