295 total views
Kapanalig, nabalitaan mo na ba ang World Happiness Report? Sampung taon na umiiral ng index o sukatan na ito. Marami na ngayon ang nagsasabi na para matawag na matagumpay ang isang bansa, ang tamang sukatan ay ang kasiyahan ng kanilang mamamayan. Paano ba sinusukat ang kasiyahan ng mamamayan?
Ayon sa report, ang natural na paraan upang malaman kung masaya ang mamamayan ay ang tanungin sila kung gaano sila kakuntento sa kanilang buhay. Ang mga mamamayan, magiging masaya at kuntento, kung sila ay malusog, maunlad, at may social support system. Para malaman din masaya ang lipunan, kailangan din natin tingnan ang umiiral na mga hamon, kagipitan, o “misery” sa lipunan. Kapag kinikilala ng isang pamahalaan na ang “happiness” ng mga mamamayan bilang goal o layunin, mas makakabuti para sa lahat dahil hindi lamang ito tututok sa economic well-being ng mga tao, mapapa-prayoridad nito ang over-all well-being ng lahat. Dito mas mararamdaman natin lahat ang work-life balance, ang pagtutok sa mental health ng lahat, at ang importansya ng pamilya.
Ayon sa 2023 World Happiness Report, ang Finland ang pinakamasaya. Sa loob ng anim na taon, sila ang laging nangunguna. Sumunod dito ay ang mga bansang Denmark, Iceland, Sweden, at Norway – mga Nordic countries. Ang Pilipinas, pang 76th naman, bumagsak mula sa 60th noong 2022.
Mainam sana na maging layunin ng pamahalaan ang kaligayahan ng bawat Filipino. Mas makahulugan at mas tutok ang mga serbisyo kapag ito ang sukatan at target ng bawat pinuno. Kaya lamang, kailangan maging mabusisi tayo dito dahil ang Filipino masayahin pero matiisin. Bigyan mo lang ng konti, mabilis sila mapaligaya. Minsan, bulag na nga tayong magmamahal sa mga pinuno natin. Akala natin, tama na ang minsanang pagdalaw sa atin tuwing election campaign. Tuwang tuwa na tayo non. Akala natin, kapag nag donate sa ating mga pa-liga, o di kaya dumating sa piyesta, okay na rin yun. Masaya na tayo non. Akala natin, kapag, nagdonate sila sa binyag, kasal o libing, malaking bagay na yun. Kaya lamang kapanalig, sa ganitong mga pagkakataon, hindi layunin ng mga ganitong pinuno ang kaligayahan natin. Kaligayahan nila ang target nila kapag nararamdaman lamang natin sila tuwing ganitong mga okasyon.
Kapanalig, ang dasal nga natin ay sana, tayo naman ang maging pinaka-happiest country in the world. Yung tunay na kaligayahan, kapanalig, ha, at di lamang yung panandalian. Para mangyari yan, kailangan natin ng malalim na pagbabago, sa puso ng bawat mamamayan at ng bawat pinuno. Sa hanay ng ating mamamayan, kailangan nating matutong kilatisin kung sino ba ang tunay na naghahangad ng kaligayahan ng bawat Filipino. At sa hanay ng mga pulitiko, kailangan nila na tunay, at taos-pusong hangarin ang kagalingan at tunay na kasiyahan ng mga mamamayan. Sabi nga sa Rerum Novarum: Ang pinakamahalagang tungkulin ng mga pinuno ng Estado ay dapat na tiyakin na ang mga batas at institusyon, ang pangkalahatang katangian at pangangasiwa ng bansa, ay naglalayon na matamo ang kagalingan ng bawat mamamayan.
Sumainyo ang Katotohanan.