2,077 total views
Ibinasura ng Quezon City Metropolitan Trial Court (QCMTC) ang kasong ‘conspiracy to commit sedition’ laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV, Rev. Fr. Flaviano Villanueva, SVD at Fr. Albert Alejo, SJ kasama ang ilan pang personalidad dahil sa video na ‘Ang Totoong Narcolist’, na kumalat online noong taong 2019.
Batay sa inilabas na desisyon ng QC MTC Branch 138 na may petsang July 14, 2023, inihayag ng korte na walang sapat na ebidensya na naihain ang prosekusyon upang madiin sa kaso ang mga akusado.
Sinuportahan ni Presiding Justice Kristine Grace Suarez ang hiwalay na demurrer to evidence na inihain ni Trillanes kasama ang iba pang mga akusado na sina Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Albert Alejo, Peter Joemel Advincula, Jonnel Sangalang, Yolanda Villanueva Ong, Vicente Romano III at Ronnil Carlos Enriquez dahil sa kakulangan ng sapat ebidensya.
“WHEREFORE, premises considered, the Demurrers to Evidence separately and individually filed by accused Peter Joemel Advincula, Antonio F. Trillanes IV, Jonnel P. Sangalang, Yolanda Villanueva Ong, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Alvert E. Alejo, Vicente R. Romano III, and Ronnil Carlo S. Enriquez are hereby GRANTED.
The instant case for Conspiracy to Commit Sedition instituted against all the accused is hereby DISMISSED for insufficiency of evidence.” Ang bahagi ng desisyon ng QC MTC Branch 138 na may petsang July 14, 2023.
Nasasaad din sa desisyon ng Korte na ang lahat ng mga testigo na iniharap ng prosekusyon ay pare-parehong inamin o “consistently admitted” sa isinagawang mga cross-examination na sila ay walang personal na kaalaman sa mga insidente o pangyayaring isinalaysay sa affidavit ng nasa video na si Peter Joemel alyas “Bikoy” Advincula na sinabing ang oposisyon ang nasa likod ng mga serye ng “Ang Totoong Narcolist” video noong 2019.
Matatandaang ang nasabing kaso ng Conspiracy to Commit Sedition na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay Trillanes at iba pa ay may kaugnayan sa “Ang Totoong Narcolist” videos na kumalat taong 2019 kung saan saan idinadawit si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ilan sa miyembro ng pamilya Duterte at si Senator Bong Go sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.