24,476 total views
Ibinasura ng Department of Justice ang kasong “conspiracy to commit sedition, inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa, at obstruction of justice” laban sa tatlong Obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, mga pari at Vice President Leni Robrero.
Kinumpirma ni Justice Undersecretary Markk Perete ang D-O-J panel resolution na nagpapawalang sala kina CBCP Vice President Pablo Virgilio David, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Cubao Bishop Honesto Ongtioco at running Priest Fr.Robert Reyes.
Inabsuwelto din ng D-O-J sina Senador Leila de Lima, Risa Hontiveros at dating Senador Bam Aquino, dating Magdalo representative Gary Alejano, at Otso Diretso candidates na sina Erin Tañada, Chel Diokno, at Florin Hilbay.
Gayunman, nakakita ang DOJ panel ng katibayan sa grand conspiracy sa ilang akusado na magpakalat ng galit at paghihiganti kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamilya nito.
Kinasuhan ng D-O-J ng conspiracy to commit sedition o paglabag sa Article 141 ng Revised Penal Code si Peter Joemel Advincula, ang nasa likod ng “Bikoy narcolist videos”, Senador Antonio Trillanes IV, Jonnell Sangalang, Yoly Villanueva Ong,Vicente Romana, JM Saracho, Boom Enriquez at isang nangangalang Monique.
Sinampahan din ng DOJ ng kaso sina Rev. Father Flaviano Villanueva at Fr. Albert Alejo gayundin ang dating PNP officer na si Eduardo Acierto.
Pinagbatayan ng DOJ panel sa pagsasampa ng kaso kay Trillanes at iba ang:
1. Online publication ng Bikoy’s Ang Totoong Narcolist videos
2. Press conference ni Advincula
3. Press statement ni Acierto
4. At affidavit ni Advincula.
Isinampa ng DOJ panel ang kaso sa Quezon City Regional Trial Court.
Tutukuyin ng QC-RTC judge kung may probable cause para maglabas ng warrant of arrest sa mga akusado.
Magugunitang inaakusahan ni Advincula ang mga matataas na opisyal ng CBCP, mga human rights lawyer ng conspiracy para patalsikin sa puwesto ang pangulong Duterte sa pamamagitan ng sinasabing “Project Sodoma”.