161 total views
Kinakailangang umalma ang mga tao sa mga hindi naaangkop na paraan ng pagkilos, pananalita at maging pamamahala ng mga namumuno sa ating bansa.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa bahagi ng bawat isa upang magkaroon ng kaayusan sa lipunan.
Ayon sa Obispo, ang pagtawa at pagpalakpak sa mga mali at hindi katanggap-tanggap na mga gawi ay nangangahulugan rin ng pakikibahagi sa mali.
“Yung mga tao kinakailangan talagang umalma hindi puwedeng sabihin ng tao minsan tatawanan, papalakpakan pa yung mali kung ganun tayo nakikiisa na tayo sa mali, we have to express our refusal to be with to join such kinds of acts…” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radyo Veritas.
Bukod dito, iginiit rin ni Bishop Bacani na kinakailangan ipanalangin ng bawat isa ang kaliwanagan ng isip at intensyon ng mga Opisyal ng Gobyerno upang makapaglingkod ng tama at tapat para sa bayan.
“Yun ang panalangin natin na yung mga namumuno satin ay talagang matauhan at talagang alam mong kinakailangan ng grasya ng Panginoon para sa ating lahat pero lalong lalo na para sa mga namumuno sa atin…” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Binigyang pansin din ni Bishop Bacani ang dapat na seryosong pagtutok ng pamahalaan sa pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng bayan sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso at hindi pagtatangal lamang sa puwesto na nagmimistulang gimik lang.
“Una prayer, ikalawa tututol tayo na makiisa o mag-apruba sa mga maling paraan na ginawa at ikatlo kinakailangang humanap talaga ng mga creative ways na lunasan itong mga problema at hindi tama yung pagimik-gimik, halimbawa magdi-dismiss ng mga opisyal tanung mo kinakasuhan ba yung mga opisyal na yan…” Giit pa ni Bishop Bacani.
Matatandaang ika-4 ng Oktubre noong nakalipas na taon ng lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order (EO) No. 43 na naglilikha sa Presidential Anti-Corruption Commission na mayroong mandato na direktang mag-imbestiga sa mga opisyal partikular na sa lahat ng mga Presidential Appointees na may kaugnayan sa anumang kaso ng katiwalian at kurapsyon sa kanilang posisyon.
Gayunpaman, sa kabila ng pagkakatatag sa naturang kumisyon ay wala pang opisyal ang tuluyang nakakasuhan kahit pa ilang mga miyembro na ng Gabinete at mga Departamento ng Pamahalaan ang inalis sa katungkulan dahil sa mga alegasyon ng kurapsyon.