399 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay, 11 Mayo 2023, Jn 15, 9-11
Maraming beses ko nang nabanggit sa aking mga nakaraang mga homiliya na ang pundasyon ng mga kautusan (commandments) ay ang kasunduan (covenant), kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng kanyang bayan. Na kapag inalis natin ang mga kautusan sa pundasyon ng kasunduan, nawawalan ang mga ito ng tibay at saysay. Parang gusaling itinayo sa buhangin sabi nga ni Hesus mismo sa dulo ng sermon on the mount. Kapag walang kinatatayuang kasunduan, ang mga kautusan ay nagiging mistulang mga pabigat na obligasyon lamang.
Kaya nga madalas kong sabihin na mas gusto kong tawaging SAMPUNG KASUNDUAN ang TEN COMMANDMENTS imbes na SAMPUNG KAUTUSAN. Sa Ingles, TEN COMMITMENTS, imbes na COMMANDMENTS. Walang ipinagkaiba ito sa pagsunod sa utos ng ating mga magulang. Walang saysay ang pagsunod kung walang pagmamahal. Sumusunod ka dahil nagmamahal ka. Ganyan din naman sa mga batas ng ating bansa, di ba? Iba ang dating ng pagsunod sa batas kapag ang motibasyon ay pag-ibig sa bayan. Di ba ganoon ang sinasabi natin sa PANATANG MAKABAYAN? “Iniibig ko ang Pilipinas” kaya bilang ganti, “tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan na masunurin sa batas…”
Ito ang sinasabi ni Hesus sa binasa nating bahagi ng kanyang huling paalam at habilin sa mga alagad—na ang batayan ng pagsunod sa kautusan ay pananatili sa kanyang pag-ibig. Di nga ba sinabi ni San Pablo, sa Romans 8, “Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos dahil kay Kristo Hesus na ating Panginoon…”? Hindi dalawang tapyas ng batong kinasulatan ng Sampung Utos ang simbolo ng kasunduan kundi si Kristo na mismo. Siya ang Diyos na totoo at taong totoo na iisang persona, hindi na mapaghihiwalay. Hindi na batas kundi ang Anak ng Diyos mismo—siya ang nagbubuklod at namamagitan sa Diyos at sangkatauhan.
Ito rin ang punto ni San Pedro sa mga binitawan niyang salita sa ating unang pagbasa. Ang tinig niya ang pumawi sa matinding tensyon at pagtatalo ng samahan mga alagad sa Jerusalem. Sa una, nahati sila sa dalawang paksyon—mga pumapanig at mga sumasalungat sa kontrobersyal na misyon nina Pablo at Bernabe sa mga Hentil. Niresolba nila ang isyu sa isang konsultasyon sa pamamagitan ng mahinahon na diyalogo imbes na pagtatalo o dibate. Hinayaan munang magsalita ang magkabilang panig; nakinig muna sila sa isa’t isa. At sa bandang huli, ang tinig na nagpatahimik sa ingay ng pagtatalo ay ang nanggaling kay San Pedro.
Kahapon, nasabi ko sa inyo na may pulitikang nangyayari sa samahan ng mga alagad sa Jerusalem. Si Santiagong pinsan ni Hesus ang malakas pumapel bilang pinuno ng samahan, kahit hindi siya kasama sa labindalawa. Itong nangyaring Sinodo ng Jerusalem ang naging okasyon para kay Pedro para akuhin niya ang papel na iniatang ng Panginoon sa kanya. Palagay ko, ito ang pinagmulan ng kanyang title na “PONTIFEX MAXIMUS” (Pinakadakilang Tagapamagitan). Kaya siguro meron kaming kasabihan bilang mga obispo—“Roma locuta est.” Nagsalita na ang Roma, ang luklukan ng successor ni San Pedro, simbolo ng pagkakaisa ng simbahan. Papel niya ang mamagitan sa diwa ng pagibig ni Kristo.
Di nga ba’t ayon kay San Juan, bago siya inatasan ng Panginoon na pastulan ang kanyang kawan, tinanong muna siya: MAHAL MO BA AKO? Wala nang iba pang diwa na dapat gumabay sa gawain ng pangangalaga sa kawan kundi ang tugon ng pag-ibig para sa Nag-iisang Pastol.
Kahit si Santiagong pinsan ng Panginoon na kontrabida ang dating noong una ay natameme nang magsalita si Pedro. Inulit lang niya ang sinabi ni Pedro. Ang salita ni Pedro ang naging batayan para sa kauna-unahang MOA (memorandum of agreement) na ipinatupad ng samahan ng mga alagad. Na dahil kay Kristo, dapat nang buwagin ang mga bakod na naghihiwalay sa mga tao. Sabi nga ni San Pablo sa kanyang Sulat sa mga Taga-Galacia 3:28, “Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Kristo na.”