192 total views
Inihayag ng isang Obispo na dapat isinapubliko ng Pamahalaan ang mga sa ibang mga Bansa.
Ito ang tugon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairperson ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa joint oil exploration sa pagitan ng Pilipinas at Israel.
Bagamat sang-ayon ang Obispo na magtulungan ang mga bansa tulad ng joint exploration ay mahalagang mailahad sa publiko ang makabubuti sa pamayanan.
“Talagang kailangan natin ng Joint Oil Exploration kasi wala naman tayong technology, wala naman tayong pera, pero tingnan natin ano nga ba ang mas makabubuti sa atin.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na dapat isaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng mamamayan sa bawat kasunduan sa ibang mga bansa at mahalagang makita kung saan at paano makatutulong ang mga proyekto sa publiko.
Umaasa ang Malacañang na mababawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa pag-angkat ng mga produktong langis at maiwasan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Base sa nilagdaang kasunduan nina Pangulong Duterte at Itay Raphael Tabibzada ang chief executive officer at pangulo ng Ratio Petroleum Ltd. pinapayagan ng Pamahalaan ang kompanya na magsaliksik sa 416, 000 ektarya sa East Palawan Basin sa posibleng gas at oil resources.
Una nang tinukoy ng Pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng Petrolyo sa world market ang dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa na base sa Philippine Statistics Authority ay umabot sa 6.7-porsiyento noong Setyembre.
Binigyang-diin ni Bishop Pabillo na sundin ng mga opisyal ng pamahalaan ang nasaad sa nilagdaang Freedom of Information sa bawat proyekto at polisiyang ipatutupad upang mauunawaan ng mamamayan.
Sa encyclical na Ad Petri Cathedram o On Truth, Unity and Peace in a Spirit of Charity ni Pope John XXIII hinimok nito ang mga namumuno sa bawat bansa na makipagkaisa para sa kabutihan ng bawat mamamayang nasasakupan at isantabi ang pampulitika at pansariling interes.