273 total views
Nilagdaan na ang Joint Circular hinggil sa mga panuntunan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay ng pondo para sa Universal Health Care.
Ito’y sa pangunguna ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), katuwang ang Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF).
Sa isinagawang pagtitipon, ang joint circular ay nilagdaan nina PhilHealth President at Chief Executive Officer Atty. Dante Gierran; Officer-in-Charge – Deputy Treasurer and PhilHealth Board Member Eduardo Anthony Mariño III bilang kinatawan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III; Undersecretary Mario Villaverde bilang kinatawan ni Health Secretary Francisco Duque III; PAGCOR Chairperson at CEO Andrea Domingo; at PCSO Chairperson Anselmo Simeon Pinili.
Layunin ng kasunduan na gawing epektibo ang pagbibigay ng alokasyon para UHC alinsunod sa Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Act.
“The joint circular prescribes the guidelines that will ‘operationalize the efficient and sustainable funding from PCSO, PAGCOR and National Government to PhilHealth’s individual based services under the Universal Health Care Program’,” ayon sa PhilHealth.
Nakasaad sa UHC Law na ang 50 porsyento ng bahagi ng National Government mula sa kita ng PAGCOR batay sa Presidential Decree No. 1869, maging ang 40 porsyento ng Charity Fund, net ng Documentary Stamp Tax Payments, at ang mandatory contribution ng PCSO ayon sa RA No. 1169 ay ililipat sa PhilHealth para sa pagpapabuti ng mga benepisyo nito na tutugon sa karamihan ng mga miyembro dito sa Pilipinas, maging sa ibang bansa.
Samantala, pinuri naman ni PCSO Chairperson Anselmo Simeon Pinili ang pag-apruba sa UHC Remittance Guidelines na magpapabuti sa benepisyo ng National Health Insurance Program (NHIP).
Sinabi ni Pinili na sa patuloy na pagbibigay-pondo para sa Malasakit Centers at UHC, umaasa ang PCSO Board na ang state-run lotteries ay gawing mas malapit at may kaugnayan sa buhay ng bawat mamamayan.
Ito’y bilang pagsuporta na rin sa layunin at inisyatibo ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging makatotohanan ang “kalusugan para sa bawat Pilipino”.
“We trust and hope that PhilHealth will diligently and work closely with PCSO in aligning the use our Charity Fund to exclusively benefit our sick and financially challenged “kababayans” who are in need of hospital and medical care”, ayon kay Pinili.
Nilalayon ng UHC Law na pasiglahin ang pangangalagang pangkalusugan ng bansa sa pamamagitan ng isang buong sistema ng pamahalaan, lipunan, at mga programang nakatuon sa mamamayan.
Suportado naman ng simbahan ang bawat layunin at adhikain ng pamahalaan lalo na sa pagpapabuti sa sektor ng kalusugan ng bansa para sa kapakanan ng nakararami lalo’t higit ang mga nasa mahihirap na sektor ng lipunan.