193 total views
Mga Kapanalig, “a peace pact with nature” o isang kasunduang pangkapayapaan sa kalikasan kung ilarawan ni UN Secretary General Antonio Guterres ang naging bunga ng COP15 UN biodiversity summit noong Disyembre.1
Hindi gaanong lumabas sa mga balita dito sa ating bansa ang nasabing summit na ginanap sa Montreal, Canada, ngunit bilang isang bansang hitik sa likas-yaman, isa ang Pilipinas sa mga makikinabang sa kasunduan. Sa summit na iyon, nagkasundo ang mga bansang poproteksyunan ang one-third ng ating planeta para sa kapakanan ng ating kalikasan pagsapit ng taóng 2030. Sinang-ayunan ng karamihan sa mga lumahok na bansa ang mga target upang pangalagaan ang tinatawag nating biodiversity o ang kabuuan ng lahat ng may buhay sa ating nag-iisang tahanan—mula sa mga hayop at halaman hanggang sa pinakamaliliit na organismong nagbibigay-buhay sa ating planeta.
Kasama sa mga targets ang pangangalaga sa mahahalagang ecosystems katulad ng mga kagubatan, gayundin ang pagkilala sa mga karapatan ng mga katutubo o indigenous peoples. Ang mga gobyerno at iba’t ibang sektor ay inaasahang magkakaisa sa pagsugpo sa pagkawala ng mga uri ng hayop at halaman o species extinction at sa pagtiyak na hindi masisira ang mga lugar na nagbibigay sa ating mga tao ng pagkain at malinis na tubig. Dapat din silang mag-ambag ng pondo para sa mga gawaing magpapanatili at magpapalusog sa kalikasan.
Ang mahigit pitong libong isla ng Pilipinas ay tahanan para sa libu-libong mga hayop at halaman. Ayon sa mga pag-aaral, sa halos 600 na mga naitalang uri ng ibon, mahigit 35% ang matatagpuan sa ating bansa. Nasa 60% naman ng mga mammals (katulad ng mga usa, paniki, at unggoy) at 65% naman ng mahigit 10,000 uri ng halaman ay endemic o dito lamang sa Pilipinas makikita.2 Tunay nga namang biniyayaan tayo ng mga hayop at halamang magpapaalala sa atin ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
Ngunit itinuturing din ang Pilipinas na isa sa world’s most threatened hotspots. Tinatayang 7% na lamang ng ating kagubatan ang natitira, habang patuloy naman ang pagkasira ng ating mga karagatan.3 Ang pagmimina, pagtotroso, at malawakang pangingisda ay ilan sa
malalaking banta sa ating biodiversity. Napasukan na ng mga mapaminsalang industriya ang ating mga bundok at kagubatan sa ngalan daw ng kaunlaran, at nakalulungkot na nagiging instrumento pa ang gobyerno upang gamitin sa negosyo ang tirahan ng iba’t ibang hayop at halaman. Kulang din ang ating kakayahang bantayan ang mga karagatan laban sa commercial fishing na umuubos sa ating mga isda at sumisira sa mga halamang dagat. Ginagawa namang pribadong subdivision ang mga lupain, at patuloy ang polusyon sa hangin at katubigan. At ngayon ngang dama natin ang epekto ng climate change, lantad din ang naghihingalo nating kalikasan sa mga pagbaha, pagguho ng lupa, at matinding tagtuyot.
Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, binigyang-diin ni Pope Francis na ang lahat ng may buhay sa daigdig ay magkakaugnay. “All creatures are connected,” wika niya. At dahil dito, dapat na pahalagahan natin ang bawat bumubuo sa ating kalikasan nang may pag-ibig at paggalang sapagkat bilang mga nilalang na may buhay, tayo ay nakasalalay sa isa’t isa.4 Sabi pa nga sa Roma 1:20, “ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay naipahayag sa mga bagay na ginawa Niya.”
Mga Kapanalig, kung yayabong ang biodiversity, yayabong din ang buhay ng tao. Kung nasa panganib ang biodiversity, manganganib din ang buhay nating lahat. Kaya malaki ang gampanin ng mga mamamayan at ng gobyerno. Maliban sa ating kanya-kanyang hakbang sa pangangalaga sa kalikasan, dapat ding pangunahan ng pamahalaan ang pangangalaga sa ating kalikasan. Pagtulungan nating kamtin ang mga inilatag sa makasaysayang kasunduan ng COP15.
Sumainyo ang katotohanan.