508 total views
Pinaalalahanan ng isang Obispo ang bawat mag-asawa ang kahalagahan ng katapatan sa buhay may asawa.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, dapat mangingibabaw ang pagmamahalan ng tao sa buhay pag-aasawa.
“First, marriage should be for and with love, not for convenience nor just for companionship in old age.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na dapat isaisip ng mamamayan na ang pag-aasawa ay isang sakramento at kaakibat nito ang malaking responsibilidad na dapat magampanan ng mag-asawa.
“Marriage is always fidelity, to promote life and to fulfill each one happiness.” ani ng Obispo.
Ito ang pahayag ng Obispo kaugnay sa Filipina na pinaslang ng asawang Swedish national sa Stockholm, Sweden noong ika – 23 ng Setyembre.
Binigyang diin ni Bishop Santos, na siyang Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People’s na kahit magkakaiba ng lahi at kultura ay mahalagang isaalang-alang ng mga Filipino ang pagpili ng mapapangasawa upang matiyak ang tunay damdamin ng bawat isa.
Samantala, inihayag ng Obispo na may mga Simbahan sa Sweden at Malmo na pinangangasiwaan ng mga Filipinong pari.
Ito ay sina Rev. Fr. Francisco Herrera, Rev. Fr. Felipe Baldostamon at ang apat na Filipinong paring misyonero ng Congregation of the Passion sa Linkoping, Sweden na maaring makatutulong sa mga panahong nakararanas ng mga suliraning ispirituwal ang mga OFW.
Tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs ang pagtulong sa pamilya ni Mailyn Conde Sinambong na makamit ang katarungan para sa biktima at tuluyang mapanagot sa batas ang asawang suspek na si Steve Aron Bakre Aalam.
Sa tala ng pamahalaan halos nasa 20 libo lamang ang mga Filipinong naninirahan sa nasabing bansa.
Una nang kinilala ng Simbahang Katolika ang papel na ginagampanan ng mga OFW sa paglago ng Ekonomiya at ng pamumuhay ng bawat pamilya.