274 total views
Kapanalig, habang marami sa atin ay abala sa paghahanda sa nalalapit na kapaskuhan, marami rin sa ating mga kababayan ay nababalot ng lungkot. Ating inaalala ngayon ang mga pamilyang naiwan mga biktima ng extra judicial killings ng nakaraang administrasyon. Lumipas man ang nakaraang administrasyon at ang karahasang dinala nito, hindi na natin maibabalik ang mga kababayan nating namatay dahil sa drug war.
Tinatayang halos limang libo ang mga hinihinalang drug users at dealers ang napatay sa mga police operations mula July 2016 hanggang September 30, 2018. Liban pa ito sa 22,983 na mga napatay ng mga di pa nakikilalang suspects. Hanggang ngayon, ang mga krimeng ito ay mga “homicides under investigation.”
Ang yugto na ito sa ating kasaysayan ay nagdala ng lagim at lungkot sa maraming mga mamamayan ng ating bansa. Naglunsad ito ng henerasyon ng mga naulila sa murang edad. Sana ay hindi na ito maulit pa sa ating bayan.
Nag-iba man ang administrasyon, patuloy pa rin dapat ang ating panawagan para sa katarungan. Hindi natin dapat limutin ang mga biktima at ang pamilya, na pihadong nangungulila ngayong kapaskuhan.
Ang leksyon ng anti-drug war, sana rin, ay ating matutunan. Ang karahasan ay hindi sagot sa isang komplikadong social at health problem ng ating bansa.
Isa rin sa mga aral ng anti-drug war ay ang pangangalaga ng reputasyon ng ating kapulisan at ang pagtataguyod ng disiplina sa kanilang hanay. Sa panahon ng drug war, ang ating mga kapulisan ay nakitang mga berdugo sa halip na kaagapay ng mamamayan. Takot sa kanila ang nanaig sa maraming mga tao, sa halip na tiwala. Nais sana natin na manumbalik ang dating respeto at tiwala ng mga mamamayan sa ating mga pulis. Magpatuloy pa sana ang pagtaas ng trust rating na nasimulan ng kapulisan ng humupa na ang drug war.
Isa pa sa mga leksyon ng drug war, kapanalig, ay ang kahalagahan ng transparency. Kalakip nito ang pagtataguyod ng freedom of information. Ang transparency kapanalig, ay senyales ng katapatan ng pamahalaan, na siya dapat nating maging panuntunan.
Kapanalig, ngayong kapaskuhan, huwag sana natin kalimutan ang mga pamilyang nabiktima ng EJK. Nawa’y maramdaman nila ang katarungan at pag-asang dala ng Kapaskuhan, kahit pa nakararanas sila ng kalungkutan at pangungulila sa panahong ito. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang Christmas message noong 2019: “The light of peace, hope and salvation brought into the world with the birth of Jesus is stronger than the darkness of war and despair… Emmanuel, God with us, would bring light “to all the suffering members of our human family.”
Sumainyo ang Katotohanan.