246 total views
Ang mga Filipino ay may buhay, at ang buhay ay mahalaga na dapat igalang at pangalagaan.
Ito ang panawagan ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos kaugnay na rin ng sa sinapit ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na natagpuang patay at nakalagay sa freezer.
Si Joana Daniela Demafelis ay natagpuang patay sa loob ng isang freezer.
Siya ay nagsimulang magtrabaho sa Kuwait noong 2014 at nakatakda sanang umuwi ng Pilipinas ngayong 2018.
Sang-ayon din si Bishop Santos sa hakbang ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal muna ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait dahil na rin sa mga ulat na pang-aabuso sa mga Filipino nagtatrabaho doon.
“Ang buhay ay mahalaga at ang Pilipino ay may buhay na dapat ingatan at pangalagaan. At tama lamang na suportahan natin ang ating Pangulo na matigil ang deployment ng mga Pilipino dun sa Kuwait. Sapagkat nakikita talaga natin ang nangyayari na maraming buhay nasisira aang naaabuso, nawawala na walang pakundangan at mga Pilipinong namatay,” ayon sa obispo.
Paliwanag ng Obispo, ito na ang tamang pagkakataon na magpakita ng diplomatic protest ang Pilipinas sa mga bansang mapang-abuso sa mga manggagawa.
“Kaya’t tama lamang na magbigay na ng diplomatic protest. Puntahan, kausapin panagutin ang mga may kasalanan at itigil muna ang deployment at ang mga naroroon ay pangalagaan at ang mga undocumented na nasa Bahay Pangarap ng ating ating embassy ay pauwiin,” dagdag pa ng Obispo.
Panawagan naman ng Obispo sa pamahalaan na lumikha ng maraming trabaho para sa mga Filipino nang sa gayun ay hindi na kailangan pa na mangibang bayan ang mga Filipino.
Base sa tala noong 2015 ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) higit sa 80,000 ang mga Filipino na nagtatrabaho sa Kuwait.
Sa 2018 na mensahe ni Pope Francis para sa World Day of Peace, hinimok nito ang bawat bansa na kalingain ang mga migrante na naghahangad lamang ng magandang buhay dahil sa kanilang kahirapan at nararanasang karahasan.