224 total views
Mga Kapanalig, sa halip na ipag-utos ang mabilis na imbestigasyon sa pagpatay kay Fr. Mark Anthony Ventura at makiramay sa pamilya ng pinaslang na pari, pinili ni Pangulong Duterte na mang-intriga.
Habang nagtatalumpati sa isang okasyon sa Cebu, nagpakita siya ng isang “matrix” na naglalarawan sa “love triangle” na posibleng motibo raw sa pagpatay. Bagamat hindi niya binanggit ang pangalan ng pari, nasa pamagat ng “matrix” ang pangalan ni Fr. Ventura, at batay sa “matrix” na iyon, may relasyon ang 37 taóng gulang na pari sa walong babae, kabilang ang asawa ng isang vice mayor, asawa ng isang pulis, asawa ng isang sundalo, at asawa ng isang negosyante. Sabi ng pinakamataas na lider ng ating pamahalaan, kung ganito ba naman karami ang karelasyon ng isang pari, hindi katakatakang mapapatay siya.
Hindi natin alam kung ano ang nag-udyok kay Pangulong Duterte na maglabas ng impormasyong walang malinaw na batayan tungkol sa pinaslang na pari. (Talagang mahilig lamang siguro ang ating pangulo sa mga “matrix” na sa maraming pagkakataong naglabas siya nang ganoong dokumento, nakitang maraming mali at wala namang napatunguhan.) Ang alam natin, mga Kapanalig, bahagi ng kultura nating mga Pilipino ang igalang ang patay at ang makiramay sa naulilang pamilya. Hindi natin dinadagdagan ang sakit at lungkot ng mga naiwan ng taong namatay sa pamamagitan ng pagpapakalat ng tsismis tungkol sa kanila. Kaya umapela si Archbishop Sergio Utleg ng Tuguegarao sa publiko na huwag patulan ang anumang malisyosong ispekulasyon tungkol sa pagkamatay ni Fr Ventura. Umaasa siyang gugulong na ang imbestigasyon upang malaman ang katotohanan, mapanagot ang mga taong may kasalanan, at mabigyan ng katarungan si Fr Ventura. Ito ang prosesong sinusunod sa isang sibilisado at makataong lipunan.
Huwag natin sanang kalimutang isa si Fr Ventura sa mga paring piniling maglingkod sa mga nasa laylayan ng lipunan. Isa siyang environmental activist o tagapagtanggol ng kalikasan sa kanyang pagtutol sa pagmimina. Katuwang din siya ng mga katutubo sa probinsya ng Cagayan sa paggiit ng kanilang mga karapatan. Para sa mga nakakikilala kay Fr Ventura, hindi maikakaila ang kanyang pagtataya sa misyong kanyang pinili. Minahal siya ng kanyang mga pinaglingkuran, kaya’t palaisipan sa marami sa kanila kung sino ang mga lalaking nakamotorsiklo at bumaril sa kanya habang binabasbasan ang mga bata matapos niyang ipagdiwang ang isang Banal na Misa noong Abril 29. Malinaw na may mga kaaway siya, ngunit kung sinu-sino sila at kung bakit nila pinatay o ipinapatay si Fr Ventura ay bahagi ng gagawing imbestigasyon ng mga pulis. Katotohanan at katarungan ang hinahanap natin, mga Kapanalig, hindi intriga.
Anuman ang motibo, sabi nga ni Bishop Ambo David ng Kalookan, “murder is murder.” Ang pagpatay ay pagpatay, at kahit kailan, mali at malaking kasalanan sa Diyos ang nakawin ang buhay ng ating kapwa. “Huwag kang papatay,” iyan ang ikalimang utos ng Diyos.
Malaking paglabag din sa batas ng bansa ang pagpatay, kaya’t inaasahan natin ang mga kinauukulang kumilos upang gawaran ng katarungan ang taong ginawan ng mali at ang mga taong nagdadalamhati sa kanyang pagkamatay. Ngunit sa isang bansang umiiral ang tinatawag nating culture of impunity—o ang hindi na pagpapanagot sa mga pumapatay at lumalabag sa batas—makakaasa ba tayo ng katarungan? Hanggang ngayon, hindi pa rin nahahanap ang mga pumatay kay Fr Marcelito Paez sa Nueva Ecija noong Disyembre. At makaaasa ba tayo ng tulong mula sa pamahalaang pinamumunuan ng mga lider na galit sa Simbahan? Kahit ang tulad ni Sister Patricia Fox na matagal nang kasama ng mga katutubo at mahihirap, agad-agad na ipina-deport.
Mga Kapanalig, hindi na maipagtatanggol ni Fr. Ventura ang kanyang sarili laban sa mga paratang sa kanyang pagkatao. Ngunit nakaatang sa ating mga naiwan ang paghahanap ng katotohanan upang manaig ang tunay na katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.