161,830 total views
Mga Kapanalig, patuloy na nanawagan ng katarungan ang pamilya ni Jemboy Baltazar, ang 17 anyos na binatang taga-Navotas na binaril ng mga pulis noong Agosto ng nakaraang taon habang naghahanda siya at ang kanyang kaibigang pumalaot para mangisda. Napagkamalan daw sila ng mga pulis na suspek sa kaso ng pagnanakaw.
Noong isang linggo, inilabas ng Navotas Regional Trial Court (o RTC) Branch 286 ang desisyon nitong nagsasabing hindi murder ang kaso ng mga pulis.
Sa anim na sumukong pulis, isa lang ang guilty sa kasong homicide na may parusang apat hanggang anim na taong pagkakakulong at danyos na limampung libong piso. Kung murder ang kaso, 20 hanggang 40 na taon ang ipapataw na parusa. Paliwanag ng korte, may mga kundisyon sa batas na nagsasabing hindi maituturing na murder ang nangyari. Halimbawa, binaril lamang daw ng akusado si Jemboy nang magtangkang tumakas ang binate. Ginawa rin lang daw ng pulis ang pamamaril bilang pagtupad sa kanyang tungkulin. Boluntaryo rin daw siyang sumuko bago pa ilabas ng korte ang warrant of arrest.
Apat naman sa mga pulis ang napababa ang hatol matapos maging guilty sa kasong illegal discharge of firearms na may sintensyang apat na buwan na pagkakakakulong. Isa naman ang napawalang-sala. Sa madaling salita, walang nakita ang husgado na intent to kill o layuning tahasang patayin si Jemboy. Paglilinaw pa ng korte, makikita ito sa pagpapaputok ng mga pulis ng kanilang baril sa tubig lamang.
Ikinalungkot ng pamilya ni Jemboy ang naging desisyon ng korte. Para sa kanyang nanay, parang pinatay ulit si Jemboy. Sadyang mailap daw ang hustisya para sa katulad nilang mahirap. Dagdag pa niya, kung naging maayos ang naunang imbestigasyon ng mga pulis sa bangkang pinangyarihan ng krimen, may mga basyo pa raw ng balang makikita at patunay ang mga itong target ng pamamaril ng mga pulis ang anak.
Kinuwestyon naman ni Bishop Ambo David ng Diyosesis ng Kalookan, kung saan nakapaloob ang Navotas City, ang paliwanag na “no intention to kill” kaya iniba ang kaso ng mga akusado at pinagaan ang parusang ipinataw sa kanila. Para sa kanya, pinaputukan ng mga pulis ang binata sa kabila ng kawalan niya ng baril. Hinayaan din nila ang kanyang katawan na malubog sa ilog. Baka raw nabuhay pa si Jemboy kung naisalba siya mula sa pagkakalunod matapos barilin. Ayon naman kay Senadora Risa Hontiveros, bagamat mahalagang igalang ang desisyon ng korte, patunay ang kasong ito ni Jemboy na tumitindi ang kawalan na katarungan sa bansa kung saan tila madaling mapawalang-sala ang mga abusadong tagapagpatupad ng batas.
Hinahamon tayong mga mananampalataya ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan na itaguyod ang katarungan sa ating lipunan. Ang katarungan ay pagbibigay ng naayon sa dignidad ng isang nilikha ng Diyos. Ibig sabihin, kaakibat ng pagsusulong ng katarungan ang pagsigurong iginagalang ang karapatan ng bawat isa at nakakamit ng lahat ang kaganapan ng buhay. Dahil dito, wala dapat basta-bastang pinapatay at sa mga pagkakataong mayroon, dapat pinapanagot ang mga maysala.
Kaya naman, kung “padadaluyin [natin] ang katarungan gaya ng isang ilog”, ayon nga sa Amos 5:24, dapat tayong makilahok sa pagsusulong ng katarungan. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng patuloy na pagpuna sa pagpatay na gawa mismo ng mga dapat na nagpapatupad ng batas. Dapat ding papanagutin ang mga may kasalanan. Mahalaga ring nakikiisa at nakikiramay tayo sa pamilya ng mga biktima.
Mga Kapanalig, ang kapayapaan ay bunga ng katarungan. Hangga’t nagpapatuloy ang kawalan ng katarungan sa lipunan, hindi natin makakamit ang kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay nakaugat sa paggalang sa dignidad ng bawat tao.
Sumainyo ang katotohanan.