303 total views
July 4, 2020-6:03am
Nanawagan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga otoridad na imbestigahan ang tunay na nangyari sa pagbangga ng Hong Kong cargo vessel sa bangka ng mga Filipinong mangingisda sa karagatan ng Occidental Mindoro.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Vice Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) mahalagang mabigyang katarungan ang sinapit ng 14 na Filipinong mangingisda na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan.
Binigyang diin rin ng Obispo na napapanahon na upang tutukan ng pamahalaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mangingisda lalo na sa karagatang sakop ng bansa upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Giit ni Bishop Santos, higit kailanman ay nararapat na ring isulong ng pamahalaan ang soberanya ng bansa.
“There should be thorough investigation so that truth could out and justice be served. It is now most opportune time to do what is best, most beneficial so that our fishermen would be well protected; their fishing rights be respected and observed; and tragic events could be avoided. We also, have assert our rights and sovereignty over our lands and seas,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo ang pakikiisa at pananalangin para sa kaligtasan ng nawawalang mangingisda at kapanatagan ng loob ng kanilang mga pamilya.
Batay sa paunang imbestigasyon, nabangga ng Hong Kong cargo vessel na MV Veinna Wood ang MV Liberty Cinco (5) na pag-aari ng Irma Fishing and Trading kung saan lulan ang nawawalang 14 na Filipinong mangingisda sa karagatang ng Cape Calavite, Occidental Mindoro.
Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) upang mahanap ang mga nawawalang mangingisda na sinasabing iniwan lamang ng Hong Kong cargo vessel matapos mawasak ang bangka ng mga ito kasunod ng naganap na banggaan.