299 total views
Mga Kapanalig, habang inaabangan ng mga Pilipino ang pagsapit ng bagong taon, marahas ang sinapit ng ilang mga katutubo sa isla ng Panay. Kinilalang mga lider at mga miyembro ng Tumandok indigenous group ang 9 na pinaslang at 17 inaresto sa magkasamang operasyon ng pulisya at militar sa isla ng Panay noong ika-30 ng Disyembre. Nakababahalang walang pinipiling pagkakataon at panahon ang mga pagpatay sa ating bansa.
Ayon sa pahayag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (o PNP-CIDG), nagkaroon ng engkwentro at nanlaban ang mga katutubong lider noong isinasagawa ang operasyon. Mariing itinanggi ng ilang kamag-anak ng mga pinaslang at ng Panay Alliance Karapatan na nanlaban ang mga katutubong-lider. Itinanggi rin ng grupo ang paratang ng pulisya at militar na miyembro at mga tagasuporta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (o CPP-NPA) ang mga IPs. Ginagamit lamang daw ng mga awtoridad ang mala-tokhang na naratibong “nanlaban” at ang tumitinding red-tagging upang bigyang katwiran ang walang habas na pamamaslang.
Kasapi ang mga nasawi sa isang indigenous organization na Tumandok nga Mangunguma nga Nagapangapin sa Duta kag Kinabuhi (o TUMANDUK mula sa Tumandok tribe), isang organisasyong tumututol sa pagpapatayo ng Jalaur River Multipurpose Project, isang mega dam project sa Calinog, Iloilo. Sa isinagawang Environmental Investigation Mission (o EIM) ng Advocates of Science and Technology for the People (o AGHAM) at Jalaur River for the People Movement, kinumpirmang hindi hiningian ng Free Prior Informed Consent (o FPIC) ang mga katutubo upang tiyaking nabigyan sila ng sapat na impormasyon at nauunawaan nila ang gagawin bago magsimula ang proyekto.
Dagdag pa rito, hindi natutugunan at naipararating sa kinauukulan ang mga posibleng peligro ng naturang mega dam. Naka-ugat sa negatibong epekto sa kapaligiran at implikasyon sa kanilang hanapbuhay at tahanan ang pagtutol ng mga katutubong Tumandok laban dito. Labingwalong barangay kasi ang matatamaan sa bilyon-pisong proyekto ng gobyerno, na kung saan karamihan ay ancestral lands o lupaing ninuno ng Tumandok community. Dahil dito, kinondena ng iba’t-ibang organisasyon ang pagpaslang sa mga lider-katutubo at binigyang-diin sibilyan sila at hindi armado. Dagdag ng mga grupong ito, itinataguyod lamang nila ang mga karapatan at interes ng mga magsasaka at mga katutubo sa isla ng Panay.
Matagal nang biktima ng diskriminasyon, karahasan, at pananamantala ang mga kababayan nating katutubo. Marami sa kanila ang hinuhusgahan dahil sa kanilang hitsura, kultura, at antas ng pamumuhay. Biktima rin sila ng pang-aagaw ng kanilang lupaing ninuno at ang walang humpay na militarisasyon at red-tagging. Kabilang din sila sa mga environmental defenders o mga tagapagtanggol ng kalikasan na napapatay. Ayon sa ulat ng Global Witness, tatlo sa sampung napapatay na tagapagtanggol ng kalikasan sa bansa ay mga katutubo.
Naninindigan ang Simbahan na walang pinipili ang pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng tao. Iba man ang pananampalataya’t kultura ng mga katutubo, sila ay kapwa nating nagmula sa pag-ibig ng Diyos. Malinaw na nakasaad sa mga Panlipunang Turo ng Simbahan ang pagpapahalaga sa dignidad at buhay ng tao. Sagrado at hindi maaaring labagin ang karapatan ng bawat taong mabuhay, kaya kailangan nating ipamalas ang malasakit sa buhay ng lahat ng tao sa anumang sitwasyon at pagkakataon. At tulad ng paalala ni Pope Francis sa Laudato Si’, pahalagahan natin ang pagbibigay respeto sa mga katutubong komunidad at kanilang mga tradisyon at kultura.
Mga Kapanalig, pakinggan natin ang daing ng mga kapatid nating katutubo. Maging mulat tayo sa pagkasira’t pagkawala ng kanilang mga tahananan, kultura, at buhay at nawa’y magsalita tayo sa gitna ng mga karahasang ginagawa sa kanila. Sa panghihimok nga ng Kawikaan 31:8, “ipagtanggol ang karapatan ng mga taong kahabag-habag, na hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.”