44,245 total views
Nagkaisa ang mga Mission Partners ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa pananawagan ng katarungan para sa mga biktima ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Suportado ng CMSP Mission Partners ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ni Quiboloy.
“We the Mission Partners (MPs) of the Conference of Major Superiors in the Philippines declare our unequiivocal support to the ongoing investigation by the Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chaired by Senator Risa Hontiveros into the alleged criminal acts of Pastor Apollo Quiboloy and his Kingdom Of Jesus Christ (KOJC).” Bahagi ng pahayag ng Mission Partners ng CMSP.
Nanindigan ang mission partners ng CMSP na hindi dapat maisantabi ang katotohanan at katarungan ng anumang koneksyon at relasyon sa mga nasa posisyon o katungkulan sa pamahalaan.
Iginiit ng organisasyon na hindi katanggap-tanggap ang pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga kababaihan at mga kabataan ng sinuman.
“Truth and justice must not fall victim to friendships and powerful connections. Violence against women and children cannot be cloaked by the mantle of ‘Appointed Son of God’.” Dagdag pa ng mga Mission Partners ng CMSP.
Kabilang sa mga Mission Partners ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) ang Franciscan Sisters of the Immaculate Conception, Missionary Society of St. Columban Philippines, Rural Missionaries of the Philippines, Task Force Detainees of the Philippines, Task Force on Urban Conscientization, Task Force for the Orientation of Church Personnel, Urban Missionaries, Office of Women & Gender Concerns, at Center for Migrant Concerns.
Unang nagpahayag ng pagkadismaya ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpanig at tila pagsuporta ng ilang mga senador kay Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso at kabilang din sa mga “wanted persons” ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa patung-patong na kaso ng human at sex trafficking ng mga kababaihan at menor de edad.