79,446 total views
Mga Kapanalig, may panawagan si Ka Jomly Callon, lider ng tribong Molbog mula sa Bugsuk Island sa bayan ng Balabac sa Palawan: “Ang kalaban po namin dambuhala, e kami po, mga katutubo lang. Sana po maging patas po ang gobyerno para sa amin.”
Itinuturing ang ilang bahagi ng Bugsuk na lupaing ninuno o ancestral land ng mga katutubong Molbog at Pala’wan. Noong panahon ng Martial Law, inumpisahan ni Eduardo “Danding” Cojuangco, isang crony ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos, at ng ilang kaibigan at kasosyo ang ilang negosyo sa Bugsuk Island. Nariyan ang Jewelmer, isang pearl farm. Libu-libong residente ang ini-relocate sa ibang barangay ng Balabac. Pinagbawalan din silang mangisda sa kanilang mga tradisyonal na lugar-pangisdaan.
Dahil dito, itinatag ng mga katutubo ang grupong Sambilog upang sama-samang ipaglaban ang kanilang mga karapatan laban sa pang-aabuso ng korporasyon. Nang mangyari ang People Power Revolution noong 1986, inilunsad nila ang Balik-Bugsuk Movement. Sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government, nagkaroon ng mga pagdinig laban kay Cojuanco at kanyang mga kasosyo at natulungan ang mga katutubo at residenteng makabalik sa kanilang mga tirahan.
Gayunpaman, nagpatuloy ang operasyon ng korporasyon sa Bugsuk. Noong 2005, nagpasá pa ang Balabac LGU ng ordinansang itinatalaga ang kanilang municipal waters na “protected eco-region” upang ipinagbawal ang pangingisda. Pero pinahintulutan naman ng ordinansa ang pearl farm. Ayon sa mga katutubo, hindi dumaan sa tamang proseso ang pagpapasá sa ordinansa. Ayon sa Palawan NGO Network, nagkulang ang LGU at mga ahensya ng gobyerno na bigyan ng sapat na impormasyon at pagkakataong makalahok sa pagpapasá ng ordinansa ang mga residente at katutubo.
Naka-pending mula pa noong 2005 sa National Commission on Inidgenous Peoples ang aplikasyon ng mga katutubo para sa kanilang Certificate of Ancestral Domain Title. Dagdag-pahirap din sa kanila ang pagkakatanggal kamakailan ng kanilang lupa sa Comprehensive Agrarian Reform Program. Sa madaling sabi, nagkakagulo ngayon pagdating sa pagmamay-ari ng lupain sa isla. Lumalâ pa ang sitwasyon doon nang sumugod ang mga armadong lalaki noong Hunyo para paalisin ang mga residente. Ayon sa mga katutubo, mga tauhan ito ng Bricktree Properties, isang subsidiary ng San Miguel Corporation, na may itinatayong tourism area doon.
Sinasabi sa Catholic social teaching na Laudato Si’ na ang mga katutubo ay hindi lamang dapat ituring na minorya. Sila ay mga pangunahing katuwang sa pangangalaga sa mga lupain at katubigan at sa pagpapasya kung paano dapat pangasiwaan at pakinabangan ang mga biyayang ito. Para sa kanila, ang mga lupain at katubigan ay hindi mga produkto; biyaya ang mga ito sa kanila ng Maykapal at pamana ng kanilang mga ninuno. Ang pangangalaga sa mga ito ay karugtong ng kanilang buhay at bahagi ng kanilang pagkakakilanlan.
Kaya naman, ang panawagan ng Sambilog sa mga ahensiya ng pamahalaan at malalaking korporasyon ay ituring sila nang patas. Huwag silang itaboy sa kanilang lupain at katubigan. Hayaan silang mabuhay nang mapayapa roon. Ipagkaloob ang nararapat para sa kanila! Pagsusumamo ang ito para sa katarungan. Katulad ng sinasabi sa Levitico 19:15, “Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya’y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran.”
Mga Kapanalig, hindi sila katutubo “lang.” Hindi ito usapin ng pagkiling sa mga katutubo dahil mahirap sila. Katutubo silang may kapantay nating dignidad. Ngunit tama si Ka Jomly, “dambuhala” ang kanilang kalaban pagdating sa yaman at impluwensya. Kung naniniwala tayo sa katuwiran at naninindigan para sa katarungan, samahan natin ang mga kapatid nating katutubo mula sa Palawan sa panawagang igalang ang kanilang mga karapatan at sa pagkalampag sa gobyernong dapat pumoprotekta sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.