185 total views
Nananawagan ng katarungan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza para sa 14 na magsasaka na pinaslang sa Negros Oriental.
Ito ang panalangin ng obispo kasabay na rin ng apela sa mga otoridad na tuwinang igalang ang karapatang pantao at magsilbing tagapamayapa sa mga residente.
“Aming ipinagdarasal ang mga namamatay naming kapatid lalu na walang kalaban-laban na nawa ang kanilang kamatayan ay mabigyan ng katarungan. At ang nagdadalamhating pamilya ay sana ma-comfort din sa paraan ng ating pagtulong-tulong para sa kanila,” ang panalangin ni Bishop Alminaza.
Ayon pa sa obispo ang pangyayari ay nagdudulot na ng labis na takot sa kanilang lugar lalu’t posibleng magkaroon na naman ng panibagong gulo na mula naman sa kabilang panig.
Binigyan diin ni Bishop Alminaza na marami na ring residente sa kanilang lalawigan ay lumilikas dahil sa takot na madamay sa gulo.
“Ang kinatatakutan ay ang retaliation afterwards,” ayon sa obispo.
Hiling din ni Bishop Alminaza sa mga otoridad na magkaroon ng dayalogo upang talakayin ang paraan ng pagsisilbi ng search at warrant of arrest sa mga hinihinalang miyembro ng mga rebelde.
Ayon pa sa obispo, pawang mga may takip sa mukha at dumating ang mga otoridad sa mga bahay ng dis-oras ng hatinggabi.
“Ang alam ko, ewan ko kung nagbago na ‘yan na yung aming ida-dialogue ba. Kasi pwede ba ‘yun na ganung oras magse-serve ng warrant of arrest kasi di ba dapat office hours?” ang pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Sa ulat, nagsagawa ng hiwalay na operasyon ang mga otoridad laban sa ilegal fire-arms at anti-insurgency operation sa Canlaon city at bayan ng Manjuyod at Sta. Catalina.
Ayon sa pulisya nanlaban ang mga biktima na nauwi sa barilan sa pagitan ng mga biktimang hinihinalang mga miyembro ng makakaliwang grupo.
Giit ng obispo walang naipakitang search at arrest warrant ang mga otoridad at ang mga biktima ay pawang mga magsasaka kung saan ilan pa sa mga ito ay kabilang sa mission station ng simbahan sa bayan ng Masulog.
Taong 2018, siyam na sugar farmers din ang pinaslang ng mga hindi nakikilalang grupo kung saan kabilang sa mga napatay ang apat na kababaihan at dalawang minor de edad sa isang hacienda sa Sagay city.
Naniniwala ang obispo na ang pangyayari ay pagpapakita lamang ng umiiral na hacienda system na matagal nang umiiral sa Negros.