9,590 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikalabindalawang Linggo ng Karaniwang Panahon, 27 Hunyo 2024, Mat 7:21-29
“Malapit na ang giyera!” Ito ang babala ng mga propeta sa Jerusalem. Pero walang sumiryoso sa babala nila. Hanggang minsan isang araw bigla na lang nagkatotoo. Ang katuparan ng malagim na hula ay ang malungkot na kuwentong narinig natin sa unang pagbasa. Tungkol ito sa unang paglusob ng Babilonia sa Jerusalem. Mahigit daw sa sampung libo ang mga Hudyong binihag nila at dinala sa Babilonia at ginawang mga alipin, kasama na ang mga kapamilya ng hari, gayundin ang mahigit sa pitong libong mga sundalo at mga skilled workers. Nilusob din daw nila ang templo at nilimas ng Haring Nebuchadnessar ang lahat ng ginto sa loob ng templo. Walang nabanggit ang awtor tungkol sa pinakamahalagang kayamanan sa loob ng templo—ang “ark of the covenant” o kaban ng tipan. Pero ang halaga nito para sa bayan ay hindi naman dahil sa ginto na nakabalot dito kundi sa nilalaman nito. Kahit ang laman nito sa loob, mula sa mata ng mga mananakop ay simbolo lamang—dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng sampung utos ng Diyos. Sigurado ako, walang halaga ito para kay Haring Nebuchadnessar, pero para sa bayan, ito ang totoong pundasyon ng templo. Hindi ang mga batong pinagsulatan at hindi rin ang mga letrang nakasulat, kundi ang diwa nito—ang tipanan sa pagitan ng Diyos at ng bayang Israel, na nakalimutan ng mga Haring sumunod kay David, kaya’t nawala na rin sa alaala ng buong bayan at siyang naging dahilan kung kaya’t gumuho at tuluyang nawasak ang kanilang bansa at biglang napailalim sa mga dayuhang mananakop.
Magandang palaisipan ito para sa atin lalo na sa mga panahong ito ng tension na kinakaharap ng ating bansa sa konteksto ng hidwaan sa pagitan ng dalawang kilala nating kapangyarihang pandaigdigan. At malinaw na ang puno’t dulo nito ay may kinalaman, hindi sa atin, kundi sa isang karatig-bansang nanganganib na dumanas sa pinagdaraanan ngayon ng Ukraine. Ito ang ikinababahala nating lahat ngayon at nagiging dahilan ng matinding pangamba na baka bigla na lang tayong masangkot sa isang malagim at madugong digmaang pandaigdigan.
Ang orihinal daw na kahulugan ng krisis sa salitang Griyego ay pagkilatis o pagpapasiya. Kahit negatibo ang pakahulugan dito, pwede ring tingnan ang krisis bilang positibo, bilang pagharap sa mga bagong oportunidad na magdedepende sa ating desisyon, at maaaring magsilbing daan patungo sa mga bagong sitwasyon na magpapatatag sa atin. Dito naman natin iugnay ang pagbasang narinig natin sa ebanghelyo: tungkol sa larawan ng pagtatayo ng bahay bilang talinghaga tungkol sa pakikinig sa salita ng Diyos.
Sa Roman culture, tatlo daw ang pamantayan para masabi kung ang isang gusali ay halimbawa o hindi ng good architecture: Maganda ba ito? Magagamit ba ito nang mabuti ng nagpapatayo? Matatag ba ito? Kung minsan nakatutok tayo sa ganda at silbi o gamit nito, nakakalimutan naman nating itanong—mananatili ba itong nakatayo sa panahon ng pagsubok, tulad ng mga bagyo, lindol, at baha? Ganoon ang paglalarawan ng awtor sa mga tagapakinig ng Salita ng Diyos. Na hindi pa matatag ang tagapakinig ng salita ng Diyos kung pa niya ito napaninindigan o naisasagawa. Para itong nakatayo sa buhangin, madaling gumuho at mawasak sa panahon ng kalamidad.
Ang tunay na nagpapatatag sa atin ay wala sa labas kundi nasa loob natin. Ito ang paalala ng ebanghelyo. Kapag natututuhan natin isaloob ang kalooban ng Diyos at isagawa o isabuhay ito, noon pa lang tayo tunay na lumalakas at tumatatag. Mas nakakayanan nating humarap sa mga pagsubok ng buhay. Sabi nga ni San Pablo: “Ginigipit ngunit hindi nalulupig, naguguluhan pero sa pag-asa hindi nawawalan, inuusig pero hindi pinababayaan, sinasaktan ngunit hindi napapatay…. Iyan daw ang dahilan kung bakit hindi siya pinanghihinaan ng loob; na kahit humina ang pangangatawan , walang makapipigil sa paglakas ng aming espiritu.” (2 Cor 4:8-9,16)