216 total views
Nagpaabot ng patuloy na pagsuporta at panalangin ang Military Ordinariate of the Philippines para sa mga sundalo at pulis na patuloy na nagsusumikap na maibalik ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao kasunod ng pagpapalawig sa umiiral na Batas Militar.
Ayon kay Rev. Fr. Harley Flores,–apokesperson at Chancellor ng Military Ordinariate of the Philippines, ang katatagan at katapangan ang patuloy na panalangin ng M-O-P para sa puwersa ng pamahalaan partikular na sa mga sundalo’t pulis na nakikipaglaban sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Bukod dito, tiniyak din ng Pari ang patuloy na pananalangin para sa paggabay ng Panginoon hindi lamang sa hukbo ng pamahalaan kundi maging sa mga residenteng patuloy na naapektuhan ng kaguluhan.
“ito po ay para sa ating mga kasundaluhan na nawa’y patuloy tayong magiging matatag lalong lalo na sa pagsugpo sa kasalukuyang giyera sa Marawi at asahan niyo po ang aming patuloy na suporta lalong lalo na ang aming patuloy na pagdarasal.gagabayan ng Diyos patnubayan kayo ng Diyos…” pahayag Fr. Harley Flores.
Noong ika-22 ng Hulyo ay inaprubahan ng Kongreso sa isinagawang Joint Session ang pagpapalawig sa umiiral na Batas Militar sa rehiyon ng Mindanao nang hanggang sa ika-31 ng Disyembre alinsunod narin sa naging apela ni Pangulong Duterte.
Ika-23 ng Mayo ng idineklara ng Pangulo ang Martial Law sa Mindanao kasunod ng pag-atake at tangkang pag-kubkob ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Sa loob ng higit dalawang buwan, umaabot na sa 607 ang bilang ng mga namatay sa bakbakan, sa bilang na ito 453 ang namatay sa panig ng mga terorista, 45-sibilyan habang nasa 109 na ang nasawi mula sa pwersa ng pamahalaan.
Matatandaang nauna nang naglabas ng isang Circular Letter ang M-O-P na nagsisilbing personal diocese ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail Management and Penology at maging Bureau of Fire upang ipapanalangin ang lahat ng mga namatay, sugatan at patuloy na lumaban para sa pangkabuuang kapayapaan ng buong Mindanao.