501 total views
Sa ating bansa, kapanalig, napaka-bulnerable ng kabuhayan ng mga magsasaka. Ang kanilang hanapbuhay ay exposed sa iba’t ibang klase ng banta. Nandyan ang panganib na dala ng climate change, ng mga peste, ng kakulangan ng suplay sa farm inputs, pati na ang mga naglalakasang bagyo. Kapag dumapo ang alin man sa mga panganib na ito, kadalasan back to zero agad ang mga magsasaka. Kadalasan, limas ang aanihin nila.
Kaya nga’t napakahalaga ng tulong o assistance para sa mga magsasaka ng ating bayan. Hindi na nga malaki ang kita, napakadami pa ng hamon sa kanila. Ang nakakalungkot, kahit pa nga minsan ay ang dami ng ani nila, lugi pa rin sila dahil sa dami din ng kompetisyon.
Ngayong unang sangkapat o quarter ng 2022, medyo matamlay ang kabuhayan nila. Ayon nga sa opisyal na datos, ang value of production ng agrikultura pati na ng fisheries ng ating bansa ay nag-contract o lumiit ng 0.3% ngayong first quarter ng 2022. Medyo malayo pa ito, kapanalig, sa 2.5% growth rate na target ng gobyerno ngayong 2022.
Kapanalig, kailangan matutukan ng paparating na administrasyon ang agrikultura at mga manggagawa nito sa ating ng bansa. Sila ang mga nasa laylayan ng lipunan. Ang sektor na ito ay lagi na lamang nasa top 3 ng pinakamahirap sa bayan. Umaabot ng 31.6% ang poverty incidence sa kanilang hanay. Kung lagi ganyan ang kanilang sitwasyon, paano ba sila makakaahon sa kahirapan? Paano sila magiging matatag?
Isa sa mga unang kailangan ng ating mga magsasaka ay social protection, kasama na rito ang insurance. Kung kada may sakuna, back to zero lagi sila, kailangan ng ating mga agricultural workers ng saklay upang magpatuloy pa. Ang pagkakaroon ng agricultural insurance ay isang makapangyarihang sandata ng mga magsasaka laban sa mga bantang regular na gumugupo sa kanila. Sa ngayon, mga ikatlo o one-third lamang ng mga 10.9 million farm owners sa ating bansa ang mayroong crop insurance.
Ang pagsisiguro ng katatagan ng hanapbuhay ng ating mga magsasaka ay pagsisiguro rin na may pagkain sa mesa ng bawat tahanan sa ating bayan. Ang katatagan ng magsasaka ay katatagan rin para sa bayan. Ang pagprayoridad sa kapakanan ng magsasaka ay isang hakbang tungo sa kabutihan ng balana o common good. Kapag ating tinitiyak ang paglago ng agrikultura sa ating bansa, atin ding tinitiyak ang paglago ng ating bansa. Kasama ito sa ating mga responsibilidad hindi lang bilang Filipino kundi bilang Kristiyanong Katoliko. Paalala sa atin ng Economic Justice for All: As individuals and as a nation, therefore, we are called to make a fundamental “option for the poor”. The obligation to evaluate social and economic activity from the viewpoint of the poor and the powerless arises from the radical command to love one’s neighbor as one’s self.
Sumainyo ang Katotohanan.