3,867 total views
Kinilala ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mahalagang tungkulin ng mga katekista sa simbahan.
Sa pagtitipon ng mga katekista ng diyosesis sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa paggunita ng National Catechetical Month binigyang diin ni Bishop Santos na kabilang sa frontliner ng simbahan sa pagmimisyon ang mga katekista na naghuhubog sa pananampalataya lalo na sa kabataan.
“Sa inyong pagtuturo, ipinakilala ninyo ang Diyos, ipinakikita ninyo ang aral ng simbahan, ibinibigay niyo ang kakayahang mabatid, malaman at matutuhan ang tungkol sa ating pananampalataya,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Santos.
Pinuri ng obispo ang mga katekista ng diyosesis na naglingkod ng apat na dekada kasabay ng pagkatatag ng Diocese of Antipolo na katuwang sa pagbuo ng pamayanang nasasakop ng diyosesis ang buong lalawigan ng Rizal at ang lunsod ng Marikina.
“Sa ngalan po ng Diocese of Antipolo ang inyong kaparian, kami ay nagpapasalamat sa inyong paglilingkod, sa inyong pagpapakasakit at sa inyong pagmamalasakit sa amin, ang inyong ginagawa sa mga bata, ang inyong paglilingkod sa amin, ang inyong pagmamahal sa ating simbahan,” ani Bishop Santos.
Tema sa National Catechetical Month ngayong taon ang “Revitalizing the gifts of Being, Becoming, and Belonging to the Ministry of Catechist” bilang pagkilala sa mga katekista at kahalagahan ng kanilang tungkulin sa pamayanang kristiyano.
Una ng hinikayat ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan lalo na ang mga magulang na magsilbing katekista sa kanilang mga anak upang mas makilala ng mga bata ang Panginoon at maagang mahubog ang pundasyon ng pananampalatayang kristiyano.
Sa pag-aaral ng National Catechetical Studies at CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education nasa humigit kumulang 50-libo lamang ang mga katekista sa buong bansa na katuwang sa paghuhubog sa mahigit 80-milyong Pilipinong katoliko.