428 total views
Nang dumating ang pandemya sa mundo, ang problema ng katiyakan sa pagkain ay mas lalong nadama ng mas maraming tao. Napalutang din nito ang ilan pang mga salik o factors na nakakaapekto sa food security ng mga mamamayan.
Kapanalig, ang problema ng katiyakan sa pagkain ay masalimuot. Hindi lamang ito ukol sa kakulangan ng perang pambili. Kaugnay din nito ang agrikultura, ang transport, ang food processing at packaging, pati na ang distribution at delivery. Noong panahon ng malawakang lockdowns, lahat ng aspeto na ito ay lubhang naapektuhan ng COVID-19. Hanggang ngayon, lingering o nagtatagal pa rin ang epekto nito sa food security ng maraming bansa, kasama na ang Pilipinas. Base nga sa 2021 Global Food Security Index ng The Economist Intelligence Unit, pang-64th tayo sa 113 na bansa pagdating sa kanilang apat na dimensyon ng food security.
Isa sa mga dimensyon ng Global Food Security Index ay natural resources and resilience. Sa ilalim ng aspeto na ito, sinusuri ang exposure ng isang bansa sa climate change pati ang kahinaan nito sa pag-adapt at pagharap sa mga banta o risks. Kapanalig ramdam natin na marami pa tayong dapat pag-ibayuhin sa aspetong ito. Taon-taon, sa pagdaan ng mga naglalakasang bagyo, lagi pa rin tayong hirap sa preparasyon bago dumating ang bagyo at sa pagsasa-ayos matapos lumisan ito. Milyon-milyon ang napipinsalang pananim at ari-arian, at hirap pa rin tayong makahanap ng paraan upang ating maiwasan ang mga pinsalang ito. Maraming pagkakataon, nagmamahal at nababawasan ang suplay sa merkado ng mga produktong naapektuhan ng bagyo. At dahil dito, ang katiyakan sa suplay ng ilang mga uri ng pagkain ay naapektuhan.
Hindi lamang sa bagyo o iba pang natural disasters naapektuhan ang resilience ng isang bansa pagdating sa food security. Ang mga sakit ng hayop gaya ng African swine flu (ASF), halimbawa, ay nagiging malaki ang epekto sa suplay ng pagkain sa merkado. Dahil dito, lubha tumaas ang presyo ng baboy sa merkado at nabawasan din ang suplay. May mga lugar pa rin sa ating bansa ang naapektuhan ng ASF, kaya’t marami pa ring nagtitinda ng baboy ang apektado ngayon, habang mataas pa rin ang presyo nito sa merkado. At habang tumataas ang presyo ng isang uri ng pagkain, dumadagdag pa ang mga hadlang sa katiyakan ng pagkain. Ang affordability, kapanalig, ay isa sa mga aspeto ng food security na dapat din nating tutukan, lalo sa panahon natin ngayon na bumaba na ang halaga ng ating pera.
Kapanalig, ilan lamang ito sa mga aspeto ng food security na ating dapat pag-ibayuhin, lalo ngayon mas maraming mga Filipino ang naghihirap. Ang mga aspeto na ito ay magka-sanga-sanga, at kapag napabayaan ang isa, mas lalong lalawak at lalaki ang problema sa katiyakan sa pagkain. Ang pagpapabaya sa isang aspeto ay magsisimula ng chain reaction na magdudulot ng gutom sa maraming bilang ng mamamayan. At lagi-laging unang tatamaan nito ang pinaka-mahirap sa ating hanay.
Bilang katoliko, hindi natin dapat hayaan mangyari ito. Bahagi ito ng ating katungkulan na itaguyod ang dignidad ng tao, dahil ayon nga sa Gaudium et Spes, lason sa lipunan ang anumang sitwasyon, gaya ng gutom, na nagnanakaw ng dangal at dignidad ng tao.
Sumainyo ang Katotohanan.