264,611 total views
Kapanalig, sa panahon ng tagtuyot, nasa likod na ng isipan ng marami nating kababayan ang pag-aalala at nasa dibdib na rin nila ang kabog ng takot. Sasapat kaya ang pagkain ng pamilya ko ngayong panahon ng tagtuyot?
Ang laki ng epekto ng tagtuyot sa bansa. Marami pa ring lugar sa ating bayan ang agrikultural o rural. At sa mga rural areas na ito, nakatira ang karamihan sa maralitang Filipino. Mahigit 25% ang rural poverty sa ating bansa kapanalig. At hanggang ngayon, ang mga magsasaka at mangingisda pa rin ang mga sektor na may pinakamataas na poverty incidence- 30% para sa mga farmers, at 30.7% sa mga fisherfolks.
Kapag tagtuyot, kapanalig, mas liliit ang produksyon ng mga magsasaka. Bulnerable ang kanilang pananim. At hindi gaya ng bagyo na dadaan panandalian, iba naman ang epekto ng tagtuyot sa sakahan. Buwan ang inaabot ng tagtuyot at dahil dito, walang pananim, walang ani sa mahabang panahon.
Kapag tagtuyot, kapanalig, naapektuhan din ang produksyon ng mga mangingisda. Nagkakaroon ng coral bleaching, mas umaalat at umiinit ang dagat, at nagdudulot din ito ng sakit sa mga isda. Ang mga isa din naghahanap ng mas malamig na lugar, kaya’t malalim ang kanilang nilalanguyan o minsan, lumilipat ng lugar. At dahil ang tagtuyot ay umaabot ng buwan, ang day to day harvest ng mangingisda ay paunti ng paunti.
Ang El Nino kapanalig, ay hindi maiiwasan. Natural na dumadapo ito sa ating bayan, at nasa ating kamay kung paano tayo maghahanda para dito. At ngayong dama na natin ang tigang na dala nito, kaya pa ba natin? Sasapat pa ba ang ating pagkain, lalo na ng mga rural poor, sa darating na mga buwan?
Hindi lamang gutom ang ang mararamdaman ng marami dahil sa tagtuyot. Paliliitin nito ang kita ng agricultural sector at magdudulot ng pagtataas ng mga presyo ng mga pagkain. Kung hindi tayo nakakapaghanda dito, magiging malupit ang tagtuyot para sa maraming Pilipino. Ang pagtatag ng mga sustainable sources of water at ang pagtatanim ng mga halamang akma sa tagtuyot ay ilan lamang sa mga paraan na maari nating magawa. Pero kulang ito, kapanalig, kaya’t kailangan nating kumilos pa. Sabi nga sa Gaudium Et Spes: By the work of our hands or with the help of technology, we till the earth to produce fruit and to make it a dwelling place fit for all of humanity. Nasa kamay natin mismo ang paghahanda para sa tagtuyot, at sana’y nakaprepara tayo para dito.
Sumainyo ang Katotohanan.