296 total views
Isang napakagandang balita ang proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Asian Development Bank, at World Bank na Food Stamp Program para sa mga pinakamahirap nating mga kababayan. Timing na timing ito, lalo pa’t maraming Pilipino ngayon ay said ang bulsa at ni walang makain. Tinatayang mga 2.7 milyong Pilipino ang nakaranas ng gutom nitong unang quarter ng 2023.
Kapanalig, ang mga ganitong programa ay kumikilala hindi lamang ng kakulangan sa pagkain ng mga mamamayan, kundi ng karapatan nila na magkaroon ng sapat at masustansyang pagkain. Sa pamamagitan ng food stamp program gaya nito, hindi pera ang assistance o tulong sa tao. Pagkain, na pundasyon ng kalusugan ng lahat, ang tulong na binibigay. Sa inisyatibong ito, ang mga lehitimong benipisaryo ay bibigyan ng mga electronic cards na naglalaman ng alokasyon sa pagkain. May nakalaan dito para sa nutrition needs ng pamilya, gaya ng gulay, karne, bigas at iba pa. Sa pamamagitan ng alokasyon na ito, hindi lamang lamang-tiyan ang makukuha ng tao, sapat na nutrisyon ang kanilang makakamit dahil specified kung anong kategorya ng pagkain na base sa health needs ng pamilya, ang nakalaan para sa kanila.
Ang food stamp program na ito ay para sa mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan. Binibigyan nito ang mga maralita ng kakayahan na mamili at makakuha ng mga kinakailangang pagkain na masustansya para sa kanilang mga pamilya. Hindi lamang ito relief o dole out, ito rin ay pambwelo. Kapag ang pamilya ay nabigyan ng pagkakataon na mabigyan ng kakayahang makuha ang kanyang basic needs, makakabwelo na siya upang makagalaw at makakuha ng iba pa Nyang kailangan upang maabot ang kanyang potensyal. Nababawasan din nito ang stigma ng pagtanggap ng pagtulong, dahil ang food voucher ay nagbibigay ng pagkakataon sa benepisaryo na mamili at makapagpasya para sa kanyang sarili at pamilya.
Nagsisimula pa lang ang programa, pero sana ay magtuloy tuloy at mas lumawig pa. Nasa pilot phase pa lamang ito, at sa yugtong ito, marami pang hamon o testing na kailangan nitong malampasan. Una siguro dito, kapanalig, ay ang pagsisiguro na ang mga benepisaryo nito ay tunay na maralita. Kinakailangan din na maayos ang monitoring at evaluation nito para matiyak na talagang ang mga benepisaryo ang tunay na nakikinabang dito, at may positibong epekto sa kanilang buhay.
Sana nga kapanalig, mas marami pang mga proyekto ang malunsad mula sa gobyerno man o pribadong sektor, na tunay na tutulong sa maralita. Sabi nga sa Populorum Progressio: The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural and even economic growth of all humanity. Kapag ang maralita ay ating natulungan, tayong lahat ay maisasalba. Hindi lamang ito hakbang tungo sa pagsugpo ng kahirapan, nagpapalawak din ito ng panlipunang katarungan at dignidad sa lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.